KUALA LUMPUR (Reuters) – Ikinokonsidera ng Malaysian authorities na nag-iimbestiga sa eskandalo sa state fund na 1Malaysia Development Berhad (1MDB) ang pagsasampa ng kasong money laundering at misappropriation of property laban kay dating prime minister Najib Razak, sinabi ng isang source na pamilyar sa usapin.

Iniimbestigahan si Najib, 64 anyos, nagtatag ng 1MDB noong 2009, sa money laundering at corruption, matapos ang mga ulat na milyun-milyong dolyar ang inilipat sa kanyang personal bank accounts mula sa fund at sa dati nitong subsidiary na SRC International. Mariing itinanggi ng dating premier ang anumang pagkakasala kaugnay sa 1MDB.

Sinabi nitong Martes ng bagong Attorney General ng Malaysia na si Tommy Thomas na pinag-aaralan ng kanyang opisina ang posibleng criminal at civil action, matapos matanggap ang investigation papers sa 1MDB mula sa Malaysian Anti-Corruption Commission (MACC).

Sinabi ng source sa Reuters na posibleng makasuhan si Najib ng dishonest misappropriation of property sa ilalim ng Malaysian Penal Code. May katumbas itong parusa na limang taong pagkakakulong, multa at paglalatigo. Ngunit batay sa batas hindi maaaring latiguhin ang mga lalaking nasa edad 50 taon pataas.
Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'