Nananatiling naka-code white alert ang lahat ng government hospital at health facilities sa Calabarzon, ayon sa regional office ng Department of Health (DoH).
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, nagpasya silang palawigin ang alerto dahil sa pagpapatuloy ng ulang dulot ng habagat.
Una nang nagpatupad ng code white alert ang DoH-Calabarzon dahil sa bagyong ‘Domeng’ noong Hunyo 9.
Sa ilalim ng code white alert, ang lahat ng pagamutan at health facilities staff, tulad ng general at orthopedic surgeons, anesthesiologists, internists, operating room nurses, ophthalmologists at otorhinolaryngologists ay dapat handa sa pagresponde sa anumang emergency situation o health-related incidents.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Janairo ang mga residente na nakatira sa mabababang lugar at mga nasa gilid at paanan ng bundok na mag-ingat sa panganib ng baha at landslide.
-Mary Ann Santiago