TINALO ni International Master Jan Emmanuel Garcia si Fide Master Mari Joseph Logizesthai Turqueza para maagawa ang solong liderato matapos ang seventh round ng 2018 National Chess Championship ‘Trip To Batumi Grand Finals’ kahapon sa Activity Hall ng Alphaland Makati Place sa Makati City.

Dahil sa natamong panalo, nakamit ni Garcia ang kabuuang 5.5 puntos, isang buong punto ang bentaher kina Turqueza, IM Haridas Pascua,IM Paulo Bersamina at GM John Paul Gomez.

Tabla muna si Garcia kay Gomez sa sixth round nitong Miyerkules, habang panalo si Gomez kay NM Rolando Andador sa Round 7.

Kinaldag naman ni Bersamina si Jonathan Maca Jota sa Round 6 at draw kay IM Chito Garma sa Round 7.Si Pascua, ang defending champion ay tinalo si Turqueza sa Round 6 at draw kay GM Rogelio “Joey” Antonio Jr. sa Round 7.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Si Antonio ay natalo kay IM Richelieu Salcedo III sa Round 6. Si Salcedo, member ng multi-titled Philippine Airforce Chess Team, ay pinayuko si Jeth Romy Morado sa Round 7.

Sina Salcedo at Antonio ay magkasalo sa 6th hanggang 7th spots na may tig 4.0 points.

Sa distaff side, panalo si Woman Fide Master Shania Mae Mendoza kay Woman Fide Master Allaney Jia Doroy para makamit ang solong liderato na may 4.0 points matapos ang Round 5, full point ahead kina WFM Cherry Ann Mejia, WIM Marie Antoinette San Diego at WIM Catherine Perena-Secopito.

Panalo si Mejia kay Woman Fide Master Michelle Yaon,talo si San Diego kay Woman National Master Christy Lamiel Bernales at binigo naman ni Secopito si Jerlyn Mae San Diego.