BAGO gawin ang isang teleserye, bibida muna ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa infotainment program na Amazing Earth, na mapapanood na simula sa Sunday, June 17, after ng 24 Oras Weekend.
Ipi-feature ni Dingdong sa bago niyang show ang Philippine presentation ng award-winning series ng British Broadcasting Company (BBC) na Planet Earth II.
“Pero magpi-feature din kami ng iba’t ibang lugar sa Pilipinas; mula sa mga natural formations and all types of terrains to its fascinating flora and fauna,” sabi ni Dingdong. “Una kong pinuntahan ang Batangas, sa Verde Islands Resort na mapapanood na sa Sunday.”
Natanong tuloy si Dingdong na since Father’s Day na sa Sunday, saan sila pupunta ng asawang si Marian Rivera at ng unica hija nilang si Letizia? Pupunta ba sila sa isang lugar na puwede rin niyang ma-explore para sa Amazing Earth?
“Balak naming pumunta sa Palawan. Paborito namin iyan ni Marian.”
Muli tuloy nabiro si Dingdong kung doon na ba nila bubuuin ang magiging kapatid ni Zia? Napangiti si Dingdong, sana nga raw.
“Diyan namin ginawa ni Marian ang Dyesebel noon kaya marami kaming memories na gusto naming balik-balikan ang lugar. At maganda rin siyang topic para sa bago kong show.”
Alam mong mahal na mahal ni Dingdong ang kanyang mag-ina, kaya ano ba ang three amazing things sa buhay niya ngayon?
“Mabuti po at three amazing things ang tanong ninyo, kasi mahihirapan akong sagutin kung dalawa lang,” nakangiting sagot ni Dingdong. “Si Marian, si Zia at ang pag-aalaga at pagmamahal sa akin ng mga magulang ko ang amazing things sa buhay ko. Konektado silang lahat. Kasi kung hindi ako inalagaan at ginabayan ng magulang ko , hindi ako mapapasok dito, hindi ko makikilala si Marian at hindi kami magkakaroon ng Baby Zia. Araw-araw may mga amazing things na nangyayari sa amin ni Marian dahil kay Zia.”
Wala pang ibinigay na detalye si Dingdong sa susunod na teleserye niya sa GMA pero thankful siya dahil nakipag-meeting na siya at ang manager niya para sa next project, pero dito raw muna siya mapapanood sa Amazing Earth, sa direksiyon ni Rico Gutierrez.
-NORA V. CALDERON