ANG tahanang walang aso, siguradong mananakawan. Yan ang buod ng aral sa pananahan ko tuwing bakasyon mula kolehiyo, sa aking lola sa Dumaguete Negros Oriental.

Hindi ko makalimutan ang isang gabi, bandang 2:00 ng umaga nang maalimpungatan ako sa mahimbing na tulog dahil sa tahol ng mga aso. Kinabukasan ay napag-alaman ng buong pamilya na ang kapit-bahay namin ay nanakawan. Hindi iyon ang unang pagkakataon na mga kalapit-bahay pinasukan ng akyat-bahay. Doon ko naunawaan na kahit pala malapit sa Simbahan ang tirahan, may banta pa rin ng peligro sa pagkagat ng dilim.

Kahit mababa ang bakuran ng aking lola, doon ko naintindihan kung bakit anim ang aso sa aming tahanan. Tuwing gabi, may isang asong nakatali sa mismong harapan ng pinto kadikit ng gate. Ang isa naman ay nakatali sa bandang likod. Mahaba ang kadena nila para puwede pa ring maglakad-lakad sa sinasakupang paligid. Habang ang apat na “roving” na aso ay malayang naglalakad at naglilibot sa buong lupa. Sa maraming taon, tanging bahay ng lola ko lang ang hindi napasukan ng kawatan sa kabuuang Teves Private Road, Perpertual.

Ang isang bansa na “walang bantay”, asahang mapapasukan din, mananakawan pa, at siguradong hindi gagalangin ng mga kapit-bansa. Hindi nakatutulong ang pagbabatingaw hinggil sa ating kahinaan o kawalan ng tapang na panindigan ang ating tertoryo. Lalo na kung sanggano sa lansangan ang nangunguna at nagpipilit na sakupin ang dapat ay ating bakuran.

Ang palaging bukambibig ay mahal ang pagpapatayo at pagmamantine ng isang Sandatahan Lakas. Eh di tulad din iyan sa laging sambit na, “sayang ang pera para mag-alaga at magpakain ng anim na aso.”

Kung ganito ka nga naman mag-isip, aba’y handa ka dapat mabiktima ng mga “akyat-bahay” at mawalan ng mga mamahaling gamit. Hindi naman “cheap” na mga bagay ang nanaising nakawin ng mga taong halang ang bituka. Kung kapus ka sa sariling dangal, nangangarag itayo ang bandila ng sariling pamilya at tahanan, dapat ka lang bastusin ng masasamang loob. Iyan ang realidad ng buhay. Tuloy, pati mga ka-alyado mo, mawawalan din ng respeto sa iyo. Mainam pa ang taong naninindigan, kaysa angkang lumuluhod sa dayuhan.

-Erik Espina