KASOSYO pala si Paulo Avelino sa pinagbibidahan niyang pelikula, ang Goyo: Ang Batang Heneral, na produced ng TBA Studios (Tuko Film Productions/ Buchi Boy Entertainment/Artikulo Uno Productions), at ipalalabas ngayong taon.
Naikuwento ng aming source na halos maubos na raw ang lifetime savings ni Paulo sa Goyo dahil sa laki ng production cost nito, na umabot sa P100 milyon.
Sabi pa ng aming source: “Sana raw kumita ito ng husto tulad ng Heneral Luna (ni John Arcilla), at plano nilang ibenta ito sa mga eskuwelahan. Imaginin’ mo, ilang taon itong plinano, pre-prod tapos ilang shooting days sila? May post-prod pa, sobrang gastos kaya sana mabawi nila.”
Maging si Paulo nga raw ay kabado sa Goyo, kasi nga sumugal siya rito at talagang hard-earned money niya ang isinosyo niya sa TBA.
Kaya talagang kayod to death ang aktor at good thing din na kasama siya sa Asintado nina Julia Montes at Shaina Magdayao na umeere ngayon sa hapon.
Samantala, sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Quirino Grand Stand nitong Martes ay dumalo nang naka-costume sina Paulo, Mon Confiado, Art Acuña, Gwen Zamora, Rafa Seguion-Reyna, at Carlo Aquino para na rin makilala ng publiko si Gregorio H. del Pilar, o Goyo.
-Reggee Bonoan