UNA sa lahat, nakikiramay ako sa biglaang pagyao ni Ex-Paranaque Rep. Roilo Golez na naging National Security Adviser ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Namatay si Golez nitong bisperas ng ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Kastila.

Si Golez ay nagsilbing kinatawan ng Paranaque City sa loob ng 16 na taon. Hinirang siya ni GMA nang matapos ang kanyang termino.

Siya ay isang boksingero, naging champion sa boxing noong siya’y nag-aaral sa Annapolis Naval Academy sa Maryland, USA. Naging classmate niya si US Col. Oliver North na naging kontrobersiyal sa Iran deal noong panahon ni ex-US Pres. Ronald Reagan.

Bago pumanaw si Golez sa edad na 71, mahigpit siyang kritiko ng Duterte administration sa West Philippine Sea. Lagi siyang nagpo-post sa Facebook ng saloobin at pagkontra sa pananakop ng dambulang China sa mga reef ng PH. Bakit daw hindi kumikibo ang administrasyon at parang takot na takot sa China. Hindi raw naman ibig sabihin ng protesta ng PH ay pakikipaggiyera sa bansa ng kaibigan niyang si Xi Jinping.

Panauhin pa siya ni Cesar Chavez sa programa nito sa DZRH nang umaga at nakahandang pa-interiview sa ABS-CBN-ANC nang siya’y atakehin sa puso. Lagi niyang sinasabi na dapat magprotesta ang PH laban sa China, na ang pinakahuli ay ang pagkuha umano ng Chinese Coast Guard sa mga huling isda ng mga Pinoy.

Masaya ang mundo sa pag-uusap nina US Pres. Donald Trump at North Korean leader Kim Jong-un sa Singapore. Sa unang pagkikita at pagpupulong ng dalawang lider, nangako sila na magsisikap tungo sa “complete denuclearization” sa Korean peninsula. Ganito ang pahayag ng mataba at clean cut at young-looking na si Kim: “Today, we had a historic meeting and decided to leave the past behind. The world will see a major change.”

Ibig sabihin ni Kim na ngayon ay idolo na rin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, lilimutin na nila ang kagalitan, patutsadahan at bantang nuclear disaster na ibabagsak ng North Korea o ng US laban sa isa’t isa.

Sa nalathalang larawan sa media nina Trump at Kim, para silang “long lost friends” o magkaibigang matagal na hindi nagkita. May balak pa si Mr. Trump na imbitahan sa White House ang North Korean leader.

Sana ay magkasundo na ang dalawang bansa at matuloy ang kumpletong denuclearization upang maiwasan ang posibleng armageddon na mangyayari sa buong daigdig. Mabuhay sina Trump at Kim. Mabuhay ang mga mamamayan ng mundo.

-Bert de Guzman