PORMAL nang binuksan ng mag-inang Sylvia Sanchez at Ria Atayde ang kanilang beauty clinic na Skin & Beyond by Beautederm, sa Lifescale Building J.C. Aquino Avenue sa Butuan City, nitong Linggo.
Business partner ng mag-ina ang mga kapwa nila Butuanon na sina Agnes Cecilia Carballo, Feli Gravador, Primy Anne Magno, at Dia Nicole Magno.
Base sa pahayag ng Chief Executive Officer at Presidente ng Beautederm na si Ms Rei Ramos Anicoche-Tan, pang-20 store na nila ang Skin & Beyond by Beautederm.
Hindi pala nagpapa-franchise si Ms Rei.
“Ayaw kong magpa-franchise, kasi gusto ko maintained pa rin ang store. Ang mangyayari, ako lang ang supplier nila ng lahat ng products. Bale sila (ang mag-ina ni Sylvia) ang owner at distributor dito sa buong Caraga region,” sabi ni Ms Rei.
Bukod sa Butuan City ay marami pang itatayong Beautederm Clinic sa iba’t ibang panig ng Luzon, Visayas at Mindanao, at ang target ni Ms Rei ay umabot ito sa 30 store bago matapos ang 2018.
Sa lahat ng binuksang clinic ay itong Skin & Beyond by Beautederm ang pinakamalaki, kasunod ng mismong pag-aari ni Ms Rei sa Angeles City, Pampanga.
Kuwento naman ni Sylvia, nakatipid sila sa nagdisenyo ng kanilang clinic dahil arkitekto ang isa sa partners nila at high-end nga ang dating, pero mura ang mga beauty product nila.
At dahil “buy one-take one” ang promo para sa beauty products at sa colognes ni Arjo Atayde (endorser) na Alpha, Radix at Dawn, sa opening day ay sold out ito, na hindi ine-expect ng mga may-ari.
Ang dami pang hindi nakabili kaya nanghihinayang sila dahil nga mahaba ang pila kaya hindi sila umabot.
Sulit din naman ang mga bumili dahil may pictorial sila sa ambassadors ang Beautederm na sina Arjo, Carlo Aquino, Matt Evans, Maricel Morales, Shyr Valdez, Alma Concepcion, Jaycee Parker, Rochelle Barrameda, Ria at Sylvia.
Nasa opening day din ang mga kaibigan nina Ibyang, Ria, at Arjo na sina Smokey Manaloto at Darla Sauler.
“Hindi namin natantiya na dudumugin kami ng tao. Naubos ang stocks, nakita mo naman siguro wala nang laman ang cabinets. Nakakatuwa kasi ang ganda ng buena mano namin,” sabi ni Sylvia.
Kilalang mapagbigay si Ibyang, pero sa pagkakataong ito ay hindi niya nagawang mamigay ng beauty products.
“Hindi ko kasi solo, may mga partners kami. Saka usapan namin walang libre maski na magulang, anak o kapatid. Business is business, kaya bumili ka,” sabi sa amin, kasi nga inakala naming may give-aways. Ha, ha, ha!
Bukod sa opening day ay nagkaroon na ng soft opening at halos kalahati ng mga naka-display sa tindahan ay naubos, kaya pala nagpa-LBC kaagad sila ng ilang boxes para sa pormal nitong pagbubukas.
Hindi kailangan nina Ibyang at Ria na pumunta ng Butuan City para i-check ang kanilang benta at iba pang pangangailangan dahil abala rin sila sa kanilang showbiz careers.
“Conference call ang mangyayari twice a week para reports lahat,” say ng aktres.
As of now ay naghahanda naman si Ibyang sa nalalapit niyang shooting para sa isang indie film.
-Reggee Bonoan