Ilang unit sa housing project para sa mga pulis at bumbero sa Rodriguez, Rizal ang tinangkang sakupin ng mga miyembro ng Kadamay, kahapon.
Sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (RPPO), nagtipun-tipon ang 500 miyembro ng Kadamay sectoral group at Montalban Homeless Alliance, sa pangunguna nina Mark Anthony Trinidad, Lilibeth Gelit at Nikkie Barbante, at nagdaos ng kilos-protesta sa PNP/BFP Housing project sa tapat ng Avilon Zoo, sa Barangay San Isidro, sa Rodriguez, dakong 5:45 ng madaling araw.
Pinasok umano ng mga Kadamay ang mga bakanteng pabahay na walang gate at umookupa.
Nakipagnegosasyon ang grupo kay Christopher Guevarra, ng National Housing Authority (NHA), at hiniling na ibigay sa kanila ang mga bahay na walang nakatira.
Pagsapit ng 11:00 ng umaga, may 30 miyembro ng grupo ang nagtipun-tipon sa tapat ng Rodriguez Municipal Hall sa Bgy. Balite, sa Rodriguez at iginiit na ibigay sa kanila ang naturang pabahay.
Hinarap ni Municipal Mayor Cecilio Hernandez ang grupo at makalipas ang kalahating oras ay boluntaryo umalis ang mga ito.
-MARY ANN SANTIAGO