MATAPOS ang dalawang beses na pagpapaliban ng halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) noong Oktubre 2016 at Oktubre 2018, muli itong tinangkang ipagpaliban sa ikatlong pagkakataon nitong Mayo, 2018. Pumasa sa Kongreso ang panukala sa botong 164- 27, para sa ikatlong kanselasyon.
Ayon sa Kongreso, kinakailangang ikansela ang halalan noong Mayo at ipagpaliban ito sa Oktubre, 2018, kasabay ng plebesito para sa inaasahang bagong federal na konstitusyon upang mas makatipid. Sa kabutihang palad, binalewala ng Senado ang hakbang ng Kongreso, lalo’t wala pa ang bagong Konstitusyon para itakda ang plebesito. Kaya natuloy ang halalan para sa barangay at SK nitong Mayo.
Para sa nakatakdang mid-term election para sa mga senador, gobernador, mayor at iba pang lokal na opisyal sa 2019, ilang opisyal ang muling nagtatangka. Ilang mambabatas ang iniulat na binabalak maghain ng suhestiyon para sa pagpapaliban ng halalan sa susunod na taon. Ang hakbang na ito ay iniulat ng isang miyembro ng Consultative Committee na bumubuo ng panukala para sa nalalapit na Constituent Assembly – tulad ng nauna ito’y upang magbigay daan sa plebesito na inaasahang magpapasa para sa bagong federal na konstitusyon.
Anumang hakbang na muling ipagpaliban ang midterm election sa 2019 sa anumang dahilan ay tunay na wala sa lugar. Isa sa kada tatlong taon na halalan, ang nagluluklok ng pangulo, pangalawang pangulo at 12 senador ng bansa. Tatlong taon matapos ang pangpanguluhang halalan, ang mid-term election ay idinadaos para ihalal ang 12 pang senador at para sa mga lokal na opisyal—ang gobernador, mayor, bokal, at konsehal ng munisipyo.
Ang nakatakdang mid-term election sa Mayo 2019 ay mahalaga para sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa. Ang kasalukuyang mga lokal na opisyal ay nakapagsilbi na ng tatlong taong termino sa kanilang tungkulin. Marami ang naghahangad na muling maluklok habang may mga bagong mukha rin na lilitaw at lalaban sa mga dati nang opisyal.
Ang prosesong ito ng alterasyon para sa pambansa at lokal na halalan ay matagal nang isinasagawa simula ng mapagtibay ang Konstitusyon noong 1987. Inaabangan na ito ng mga tao. Walang anumang rason upang baliin ang sistemang ito— at lalong hindi ang magbigay daan sa isang plebesito para sa bagong Konstitusyon na hindi pa naaaprubahan.
Sa isang panayam nitong nakaraang linggo, siniguro ni Commission on Election spokesman James Jimenez na walang dahilan upang paniwalaan na ang darating na eleksiyon ay ipagpapaliban kaya naman sinisimulan na ng Comelec ang mga kailangang paghahanda para rito.
Halalan ang nasa sentro ng sistemang demokrasya ng ating pamahalaan. Ito ang pangunahing paraan upang maiparating ng mga mamamayan ang kanilang mga kahilingan sa gobyerno. Kaya huwag nating hayaan na maisulong ang balak ng ilang mga opisyal na kanselahin o ipagpaliban ito.