KINILABUTAN ako sa narinig na pagbabanta laban sa may 1, 170 na miyembro ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa mga katiwalian at kriminalidad sa iba’t ibang lugar sa buong bansa, na kasalukuyang nasa “hot list” ng mga minamanmanan ng Counter Intelligence Task Force (CITF).
Naglaro kasi agad sa aking isipan ang madugong senaryo – mga bangkay ng pulis at ilang nadamay na kasamahan nito na tinakpan ng diyaryo sa mga madidilim na bangketa at kalsada – kapag ipinatupad ang banta ni CPNP Director General Oscar Albayalde na UBUSIN na ang mga ito! “Hindi na tayo magbibigay ng warning sa mga ‘yan. Katakut-takot na ang mga warning na ibinigay natin not only during my time, not only during General Bato’s time, but noon pa. Eventually mauubos din ‘yan sa hanay namin,” ang nakakapanindig–balahibong banta ni CPNP Albayalde. “We will do it as fast as we can. We’ll do this and we will be relentless, ‘yun ang pinapangako natin!”
May masamang dating na kasi sa akin ang salitang MAUUBOS – ganyan din ang narinig ko noong banta laban sa mga nasa listahan ng mga gumagamit, nagbebenta at protektor ng ilegal na droga, bago nagsimulang dumanak ang dugo at lumatag ang mga bangkay sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.
Nadagdagan pa ang aking pangamba nang magsalita si Supt. Romeo Caramat, ang pinuno ng CITF, at kumpirmahin nito na maaaring maging madugo ang gagawin nilang paglilinis sa hanay ng mga pulis, dahil maaaring mauwi sa barilan ang pag-aresto sa mga tiwaling pulis na ayaw sumuko.
Ang CITF ay binuo noong nakaraang taon upang tumugis sa mga tiwaling pulis na sangkot sa ilegal na gawain gaya ng droga, extortion, kidnapping, carnapping at iba pang krimen. Simula nang ito ay maitatag -- Pebrero hanggang Hunyo 4 – umabot na sa 72 pulis, isang anti-narcotics agent at 170 sibilyan ang naaresto ng task force sa entrapment operations.
Sana naman, sa gagawin nilang pinag-ibayong operasyon upang maipatupad ang banta ni Albayalde , ay walang madamay na inosenteng mamamayan gaya ng mga nangyari sa pagpapatupad ng mga pulis sa giyera laban sa droga, na iniutos ni Pangulong Rodrigo R. Duterte. Sabagay, simula nang maupo si Digong ay umabot na sa 8,526 ang nakasuhan na mga pulis at 1,383 sa mga ito naman ang nasibak sa serbisyo!
Darating ngayong araw si Digong sa command conference ng mga “top officials” ng PNP sa Camp Crame – kaya siyempre, inaasahan na rito ang muling pagbanggit at pag-uutos nito na LIPUNIN sa lalong madaling panahon ang mga tiwaling pulis na nasa aktibong serbisyo pa rin!
Ang sa akin naman, kung talagang gustong tumino ang hanay ng mga pulis – bukod sa mga operasyong ito – dapat ay baguhin ang sistema sa recruitment ng PNP. May mga impormasyon kasi akong nakuha na sa recruitment pa lamang ay may mga kaso na ng LAGAYAN, kaya kapag nakapasok sa serbisyo, ang unang aatupagin ng baguhang pulis ay ang “kumita” upang mabawi ang kanyang gastos na ipinanlagay!
Ito marahil ang dahilan kaya maraming mga baguhang pulis ang napapasok agad sa katiwalian -- siyempre, kapag pulis na ‘di basta-basta matatanggal sa serbisyo dahil protektado agad ng DUE PROCESS, at ito ang nagpapalakas ng kanilang loob sa pagpasok sa katiwalian.
Kumpara noong panahon na ang PNP ay nasa ilalim pa ng Philippine Constabulary (PC), may “disciplinary powers” ang mga commander sa ilalim ng tinatawag na “Articles of War 105” – kaya isang tsismis lang ng katarantaduhan ng pulis, may kalalagyang STOCKADE agad ang mga ito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.