Pontejas, kampeon sa 3-point shootout ng FIBA 3x3 World

BOCAUE, Bulacan -– Ang pinakamahusay na shooter sa 2018 FIBA 3x3 World Cup ay Pinay.

Janine Pontejos

Janine Pontejos

Magpugay kay Janine Pontejos.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tinanghal na kampeon ang 5’5” deadshot ng Perlas Pilipinas nang gapiin ang mga karibal na sina Alexandra Stolyar at Maksim Dybovskii ng Russia at Marin Hrvoje ng Croatia.

Sa saliw nang hiyawan mula sa nagbubunying home crowd, hindi pinahiya ni Pontejos ang mga kababayan sa naiskor na 14 puntos sa loob ng 41.86 segundo. Umiskor din ng 14 puntos ng karibal niyang si Stolyar, ngunit inabot ito ng 49-.92 segundo.

“Nagpapa-salamat po ako sa mga suporta samin, sa akin. Sa mga nag-pray para dito sa contest na to, maraming salamat po,” pahayag ni Pontejos.

“Inisip ko kahit natalo kami, hindi ako nawalan ng pag-asa na itayo yung [flag ng] Pilipinas kasi may natitira pang shootout. Lumakas yung loob ko dahil sa mga teammates ko na nagpu-push sakin pati mga coaches ko,” aniya.

Impresibo si Pontejos sa naiskor na limang sunod na puntos, tampok ang perfect sa ikalawang rack. Naisalpak din niya ang dalawa sa tatlong money balls.

Kasunod ni Pontejos si Stolyar na tumira at nauwi sa huling money ball rack ang labanan. Kinailangan ng Russian na maisalpak ang huling tatlong money ball para maipanalo ang laban, ngunit sumablay ito sa kanyang huling dalawang tira.

Nakuha ni Marine Hrvoje ang bronze na may 11 puntos.

Isinantabi ni Pontejas ang malamig na buga ng air conditioning system sa Arena para mapanatili ang mainit na kamay ng Pinay shooter.

“Sobra po akong kinakabahan,” ayon kay Pontejos.

“Umpisa pa lang sobrang nilalamig na yung kamay ko, ang hirap po kasi sobrang lakas ng air con. Eh ang nipis ko po kaya kailangan pagpawisan ako. Nung maglalaro na ako sobrang lamig pa rin ako, kinamayan nila ako sobrang lamig pa rin ng kamay ko. Tapos inimagine ko na lang na nagdi-drills kami, buti na lang lumabas yung shooting ko,” aniya.

“Sobrang kinabahan po ako, nag-pray na lang ako kay God kung ano kalabasan. Proud pa rin ako kahit second or third man lang. Basta makapasok ako sa Finals,” sambit ni Pontejos.

Ang tagumpay ni Pontejos ay sapat na para maibsan ang sakit na nadama ng Perlas Pilipinas matapos mawalis sa women’s division ng 3x3.