Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Norwegian na wanted sa Oslo, Norway dahil sa kasong pagpatay sa sarili nitong kapatid, dalawang taon na ang nakalilipas.
Iniulat ni BI Commissioner Jaime Morente na naaresto ng mga operatiba ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) ang 52-anyos na si Helge Stensland sa tahanan nito sa Sta. Cruz, Laguna, nitong nakaraang linggo.
Ayon pa sa BI chief, dumating sa bansa si Stensland kasama ang kanyang pamilya nitong nakaraang Abril, tatlong buwan matapos siyang hatulan ng Norwegian court ng pitong taong pagkakakulong sa kasong homicide at pinagbabayad din siya ng 1.7 milyong Norwegian Krones bilang danyos.
Sa ulat ni FSU chief Bobby Raquepo, natuklasang dalawang dekada nang pabalik-balik sa bansa ang suspek dahil kasal ito sa isang Pinay at may dalawang anak.
-Jun Ramirez