Pinuri ng Malacañang ang 2018 Global Law and Order report ng research firm Gallup kung saan napanatili ng Pilipinas ang parehong score na nakuha nito noong nakaraang taon.

Sa kanyang ulat na tumutukoy sa sense of personal security and experience sa krimen at law enforcement ng mamamayan, binigyan ng Gallup ang Pilipinas ng parehong index score na 82, tulad noong 2017.

Batay sa ulat, kapantay ng Pilipinas ang Australia, South Korea, Sri Lanka, Iran, Israel, Coratia, Poland, Bangladesh, Mauritius, at Romania.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sinasalamin ng ulat ang sentimiyento ng mamamayan na ngayon ay hindi na gaanong kinakabahan kapag naglalakad nang mag-isa sa kalye sa gabi.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Roque, pinatunayan din ng ulat na epektibo ang kampanya ng gobyerno laban sa kriminalidad.

“So sang-ayon po sa Gallup, ito pong ating kampanya laban sa kriminalidad ay nagreresulta po sa persepsiyon ng ating taumbayan na ligtas sila kapag sila ay naglalakad ng nag-iisa sa gabi ,” aniya kahapon ng umaga.

Sa nasabing Gallup report, nakuha ng Singapore ang pinakamataas na index score na 97, binanggit na 94 porsiyento ng mamamayan nito ay ramdam na ligtas silang maglakad nang mag-isa sa gabi.

Sumusunod sa Singapore ang Norway, Iceland, at Finland na may index scores na 93. Ang Venezeula, naman ang nananatili sa pinakababa ng listahan sa index score na 44.

-Argyll Cyrus Geducos