TULUYANG nabokya ang host Team Philippines matapos mabigo sa Hungary, 15-18, sa women’s division ng Fiba 3×3 World Cup niong Linggo sa Philippine Arena sa Bulacan.
Tumapos ang Perlas Pilipinas na pinakahuli sa Pool D na may 0-4 record.
Nanguna ang Spain sa kanilang grupo kahit nagtapos itong may 3-1 marka kapantay ng Hungary at Netherlands. Nakatipon ang Spain na may 69 puntos kumpara sa Hungary na may 68 puntos at sa Dutch na may 64 puntos.
Nakalamang pa sa laban ang Perlas ,10-6, matapos makaiskor si Afril Bernardino sa isang driving layup, ngunit unti-unti silang nahabol hanggang sa malamangan ng Hungary 13-11 kasunod ng apat na sunod na freethrows ni Bettina Bozóki.
Sa kabila ng kabiguan , umaasa si Perlas head coach Pat Aquino na magiging daan ang kanilang naging kampanya sa World Cup 3x3 ng isang magandang simula sa Philippine women’s basketball program.
“Maybe this is the spark of women’s basketball in the coming years and we hope we can get the support,” ani Aquino. “As you can see we can be side by side with the international teams.”
Nanguna si Janine Pontejos para sa Philippine team sa itinala nyang pitong puntos.
-Marivic Awitan