NGAYONG araw, ginugunita natin ang araw noong Hunyo 1898, nang inihayag ng mga Pilipinong rebolusyonaryo, na pinangungunahan ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang kalayaan ng mga Pilipino sa balkonahe ng kanyang tahanan sa Cavite II del Viejo, na kilala ngayon bilang Kawit, Cavite.
Ang ‘Act of the Declaration of Independence’ —Acta de la Proclamacion de Independencia del Pueblo Filipino sa Espanyol, Paggawa ng Pagpapahayag ng Kasarinlan ng Sambayanang Pilipino sa Filipino—ay nilagdaan ng 98 delegado at binasa ni Ambrosio Rianzares Bautista. Sa unang pagkakataon, iniladlad ang Pambansang Watawat na nilikha nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza sa Hong Kong. Habang tinugtog naman ng bandang San Francisco de Malabon ang Macha Filipino Magdalo, ang pambansang awit ngayon na Lupang Hinirang.
Hindi kailanman kinilala ng Estados Unidos o Espanya ang deklarasyong ito, na ang mga puwersa ay nasasangkot sa mga kaguluhan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Isinuko ng Espanya ang Pilipinas sa US sa Treaty of Paris noong 1898. Sinundan ito ng pamamahala ng US sa Pilipinas sa sumunod na kalahating siglo (maliban sa tatlong taong pananakop ng mga Hapon), hanggang sa tuluyan itong magtapos noong Hulyo 4, 1946.
Matapos nito’y ipinagdiwang na natin tuwing Hulyo 4 ang Araw ng Kalayaan, hanggang noong 1964, nilagdaan ni Pangulong Diosdado Macapagal sa isang ‘true act of national Independence’, ang Batas Republika 4106 na nagtatakda sa Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sa pagdiriwang natin ngayong araw, kasabay ng mga seremonya na nagpapakita ng kahalintulad na proklamasyon noong Hunyo 12, 1898 sa Cavite, lubos din nating nakikita ang ating mga sarili sa sentro ng pandaigdigang kalakaran bilang isang malayang nasyon na nakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa. Kaya naman binibigyan natin nang malaking interes at pag-aalala ang makasaysayang pagpupulong ngayon nina US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un sa Singapore.
Kabilang ang mga Pilipino sa mga nakipaglaban para sa panig ng tropa ng United Nation kontra sa North Korea noong Digmaan ng Korea na nagtapos sa isang armistice noong 1953, at hindi isang kasunduang pangkapayapaan. Simula noon, itinaguyod ng North Korea ang paglikha ng armas nukleyar at mga pampasabog na kayang umabot sa US at lalo na sa mas malalapit na bansa tulad ng Japan, China, at Pilipinas. Kung makamit ng US at North Korea ang isang kasunduang pangkapayapaan sa kanilang summit sa Singapore na magsisimula ngayong araw, magdadala ito ng kapayapaan para sa lahat ng bansa na nasa bahaging ito ng daigdig.
Samakatuwid, ang Hunyo 12 ang pinakamahalagang araw para sa ating lahat. Ito ang araw na inihayag natin sa buong mundo, 120 taon na ang nakalilipas ang ating inaasam na kalayaan at pagsasarili. Ito rin ay araw ng pag-asa para sa atin sa Silangan Asya at Pasipiko, na ang panganib ng digmaang nukleyar na matagal nang bumabagabag sa atin sa wakas ay magwawakas na.