May 1,170 pulis na sangkot sa mga katiwalian at kriminalidad ang minamanmanan ng Counter Intelligence Task Force ng Philippine National Police (PNP).

WALANG SASANTUHIN! Ipinagdiinan ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde na walang pulis na sasantuhin sa oras na masangkot sa krimen at katiwalian sa Camp Crame, sa Quezon City, kahapon. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

WALANG SASANTUHIN! Ipinagdiinan ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde na walang pulis na sasantuhin sa oras na masangkot sa krimen at katiwalian sa Camp Crame, sa Quezon City, kahapon.
(KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

At ang warning sa kanila ni PNP Chief Oscar Albayalde: Sumuko o hindi kayo sasantuhin ng inyong kabaro.

“Hindi na tayo magbibigay ng warning sa mga ‘yan. Katakut-takot na ang mga warning na ibinigay natin not only during my time, not only during General Bato’s (dating PNP chief Ronald del Rosa) time, but noon pa. Eventually mauubos din ‘yan sa hanay namin,” diin ni Albayalde.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Para naman kay Supt. Romeo Caramat, hepe ng task force, maaaring maging madugo ang paglinis sa hanay ng mga pulis.

Maaaring kasing mauwi sa barilan ang pag-aresto sa mga tiwaling pulis na ayaw sumuko, ani Caramat.

Gayunman, desidido sa Albayalde na tuparin ang utos ni Pangulong Duterte na linisin ang PNP.

“We will do it as fast as we can. We’ll do this and we will be relentless, ‘yun ang pinapangako natin,” aniya.

Sa Miyerkules, magkakaroon ng isang command conference ang PNP na dadaluhan ni Duterte. Inaasahang ipapakita ni Albayalde sa Pangulo ang mga pagbabago sa kapulisan mula nang maupo siya bilang hepe ng PNP.

Ayon pa kay Albayalde, ang 1,170 pulis na nasa listahan ng Directorate for Intelligence (DI) ay sinsubaybayan na ng Counter Intelligence Task Force (CITF).

Binuo ang CITF noong Pebrero 3, 2017 upang tumugis ng mga pulis na sangkot sa ilegal na droga, extortion, kidnapping, carnapping at iba pang katiwalian.

Mula Pebrero hanggang Hunyo 4, nasa 72 pulis, isang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent at 170 sibilyan ang naararesto ng task force sa entrapment operations.

Mula nang maluklok ang Duterte administration noong 2016 hanggang Abril 18, 2018, nasa 8,526 na pulis ang kinasuhan ng PNP at 1,383 kaso ang na-dismiss.

Inamin ni Albayalde na mahirap para sa kanya na manghuli ng kapwa pulis. “Mabigat kasi una kabaro mo, pangalawa tumagal na ‘yan sa serbisyo pero we have to do this. Kahit gaano kahirap ito ay kailangan,” aniya.

Dagdag ni Albayalde, “Everytime na magsasalita ang Presidente, palagi niyang sinasabi na may problema sa hanay ng PNP. Ito ‘yung mga sinasabi niya na mga iskalawag na nakakasira sa imahe.”

-MARTIN A. SADONGDONG, ulat ni Fer Taboy