HINAHAMON ng mga eksperto sa ekonomiya (economy) at pananalapi (finance) ng Duterte administration na subukan nilang pagkasyahin ang P10,000 budget kada buwan para sa limang miyembro ng isang pamilya. Kakasya nga kaya?
Ang hinahamon ng militant lawmakers ay sina Finance Sec. Carlos Dominguez III, NEDA chief Ernesto Pernia, at Budget Sec. Benjamin Diokno kung kaya nilang mamuhay nang disente sa P10,000 budget. Maanghang ang pahayag ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate: “You are outrageously and shamelessly out of touch with reality”. Bakit, natutulog ba sila?
Kinantiyawan ng mga militanteng mambabatas sina Dominguez, Pernia at Diokno dahil sila ay mayayaman at nasa puwesto kung kaya hindi nararanasan ang hapdi, dusa at hirap ng ordinaryong mga tao na dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Hindi nila nagustuhan ang pasaring ni Diokno sa mga pumupuna sa “pahirap” ng TRAIN bilang mga “cry baby” o iyakin. Eh kung ikaw ba ay minimum wage earner lang o isang kawani na maliit ang sahod, hindi ka iiyak sa pananagasa ng TRAIN?
Sinisisi ng pangkaraniwang mamamayan ang TRAIN na sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Magaling lang daw ang DOF, NEDA at DBM sa pagsasagawa ng mga plano at projections (tulad ng TRAIN), pero hindi naman apektado at nararamdaman ng mga pinuno ang pagdurusa at paghihirap nina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera.
Badya ni Zarate: “With inflation for May at an all time high of 4.6 percent, the economic managers should be fired for adding a hefty burden on millions of Filipinos”. Isang realidad na magtaasan man ang bilihin at serbisyo sa Pilipinas, walang epekto ito sa mga opisyal ng gobyerno, pulitiko, kongresista, senador atbp, dahil libre ang kanilang gasolina at diesel bukod pa sa malalaki ang kanilang sahod bilang lingkod (daw) ng bayan.
Aminado si Pres. Rodrigo Roa Duterte na iniwasan niya ang paglapag sa Davao City mula sa 3-day state visit sa South Korea. Sisitahin daw siya ng bunsong anak na si Kitty (anak kay Honeylet) at Mayor Sara (anak kay Elizabeth) bunsod ng kontrobersiya ng paghalik sa labi ng isang babaeng OFW na may asawa na.
Samakatwid, kung matapang man ang ating Pangulo sa ibang mga babae, tulad nina De Lima, Sereno at Carpio-Morales, may pusong-mamon naman siya sa mga babaeng minamahal.
Well, ang alamat daw ng dalawang magkaibang halik ay ganito: “Ang paghalik ng mga babae kay ex-Sen. Ninoy Aquino sa loob ng eroplano ay boluntaryo at mismong sila ang lumapit at humalik sa ama ni Kris Aquino. Samantala, ang paghalik naman ni Mano Digong ay mismong siya ang humingi (at sa labi pa)”. Sana raw ay beso-beso na lang! Ah, ewan ko sa inyo.
-Bert de Guzman