Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na makilahok sa gaganaping federalism roadshows at consultations sa mga panukalang pagbabago sa Constitution tungo sa paglipat sa federal system of government.

“Nananawagan kami sa ating mga kababayan na lumahok sa mga talakayan at konsultasyon na isasagawa ng Consultative Committee (ConCom) tungkol sa mga iminumungkahing pagbabago sa ating Konstitusyon,” panawagan ni DILG Undersecretary for Local Government Austere Panadero.

Isa si Panadero sa panelists sa dalawang araw na Conference on Managing Devolved Transition in the Philippines na inorganisa ng DILG at ng Forum of Federations, ang international organization ng federal countries.

Makakasama rin sa okasyon ang mga miyembro ng ConCom na magrerepaso sa 1987 Constitution sa pamumuno ni dating Senador Aquilino Q. Pimentel Jr., Prof. Edmund Tayao, Atty. Roan Libarios at Atty. Randolph Parcasio; PDP Laban Federalism Institute Fellow Sec. Gary Olivar; Forum of Federations senior director Philip Gonzales; at Masbate Vice Gov. Jo Kristine Revil.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sinabi ni Panadero na ngayong halos tapos na ang ConCom sa mga panukala nitong pagbabago sa Constitution, kailangang maging aktibo ang publiko sa mga diskusyon, magbigay ng kanilang mga ideya at magkomento para tumulong sa pagbalangkas ng ideal na modelo ng federalismo para sa bansa.

Sinabi ni DILG Assistant Secretary at spokesman Jonathan Malaya na sisimulan ang Federalism Roadshow sa Hunyo 17 sa Dumaguete City.

“Together with the ConCom, we will be visiting all regions of the country to begin a national conversation on this important proposal of the government,” ani Malaya.

Sa okasyon, ilalatag ni Pimentel ang developments sa panukalang modelo para sa federalismo.

Ayon kay Pimentel, magkakaroon ng 18 rehiyon sa halip na 17 sa ilalim ng federal system.

Ang modelo ay para sa presidential form na ang president at vice president ay kailangang iboto na magka-tandem.

Idiniin ni Concom na hindi nito iendorso ang term extension ng president gaya ng pinangangambahan ng maraming tutol sa federalismo.

Inaprubahan ng ConCom ang panukala na tiyakin na ang karamihan ng House of Representatives ang mga kakatawan sa marginalized sectors sa bansa.

Hahatiin din ang judicial powers sa tatlong entities sa halip na isang Supreme Court lamang.

-Chito Chavez