Kinumpirma ng mga Pilipinong mangingisda ang napaulat na pangha-harass sa kanila ng mga Chinese Coast Guard sa pamamagitan ng paghingi ng mga nahuhuli nilang de-kalidad na isda.
Nauna nang nagduda ang pamahalaan sa ulat ng isang television program kaugnay ng insidente kaya inimbitahan nila ang mga mangingisda na kasama ng TV network.
Sa pulong balitaan, kinumpirma ng tatlo na kasama sila sa TV network at pinatotohanan din ang panghingi ng Chinese Coast Guard ng mga isda.
Kaugnay nito, tinuligsa naman ng Liberal Party (LP) ang matamlay na posisyon ng pamahalaan kaugnay ng panggigipit at pagnanakaw ng Chinese coast guard.Tila ginagamit, aniya, ang makinarya ng gobyerno sa mga bayarang Internet troll laban sa mga kaawa-awang mangingisda ng Zambales, na nagdaan sa isang nakapanlulumong karanasan.“Para tawaging sinungaling at bayarang troll ang mga mangingisdang ito ay isang bagay na hindi makatuwiran. Isang kahig, isang tuka lamang ang pamumuhay ng mga mangingisda sa ating bansa na halos di makatanggap ng tulong mula sa gobyerno,” pagbibigay-diin ni LP Vice-President Erin Tanada.Ipinaliwanag pa nito, malinaw na nilabag ng China ang patakaran sa tradisyunal na lugar ng pangisdaan.
“Hindi dapat ipakita ng administrasyong Duterte na kayang-kaya lang ito at dapat umaksyon para maprotektahan ang interes ng mga Pilipinong mangingisda,” ayon pa sa kanya.
-Leonel M. Abasola