MALAKING pagkakataon ang naghihintay kay Mark Bernaldez ng Pilipinas kapag nagwagi sa walang talong si Mexican Erick de Leon sa kanilang super featherweight bout sa Hulyo 14 sa Lakefront Arena, New Orleans, Louisiana sa United States.
Kilala sa bansag na “Machete,” ito ang unang laban ng tubong Cebu City at 26-anyos na si Bernaldez sa US at tiyak na mapapansin siya ng promoter na si Top Rank big boss Bob Arum kapag tinalo niya ang 26-anyos din at tubong Nuevo Leon, Mexico na si De Leon.
“I am very excited to fight for the first time in the USA,” sabi ni Bernaldez sa Philboxing.com. “It is every boxer’s dream in the Philippines to fight in the USA especially in a big card with Top Rank. I will do everything to win this fight. I would like to thank Sanman boxing for this big opportunity and I will train very hard for this.”
Dating boksingero ng ALA Boxing Gym sa Cebu City si Bernaldez bago lumagda ng kontrata sa Sanman Promotions na pag-aari ng sumisikat na promoter na si Jim Claude Manangquil ng Gen. Santos City.
Huling lumaban si Bernaldez noong nakaraang Abril 28 kung kailan pinatulog niya sa 3rd round si JP Macadumpis sa Glan, Saranggani, Province.
Huli namang sumampa sa lona si De Leon noong nakaraang Marso 10 sa StubHub Center, Carson, California kung saan tumabla siya sa wala ring talong si Andy Vences ng US para sa bakanteng WBC Continental Americas super featherweight crown.
May rekord si De Leon na 17-0-1 na may 10 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Bernaldez na may kartadang 16 na panalo, 1 talo na may 11 pagwawagi sa knockouts.
-Gilbert Espeña