HUMAKOT ng parangal ang Balangiga: Howling Wilderness ni Khavn dela Cruz sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences, Inc. (FAMAS) Awards nitong Linggo sa The Theatre of Solaire.
Tinanggap ng pelikula ang lima sa 11 nominasyon natanggap nito, kabilang ang Best Picture, Best Original Song, Best Original Screenplay para kina Khavn, Achinette Villlamor, at Jerry Gracio; Best Cinematography para kay Albert Banzon; at Best Production Design para kina Marija Vicente, Timmy Harn, at Zeus Bascon.
Ang pelikula ay tungkol sa walong taong gulang na si Kulas, na kasama ang kanyang lolo at ang alaga nilang kalabaw ay tumakas sa “kill and burn” order ni General Smith. Nadiskubre ni Kulas ang isang sanggol sa patung-patong na bangkay, at ginawa ng dalawang bata ang lahat upang makaligtas sa pananakop ng mga Amerikano.
Bago ang FAMAS, nanalo rin ang Balangiga noong nakaraang taon sa ikalimang QCinema, kung saan ito unang ipinalabas. Nang panahong iyon, kinilala rin ang pelikula bilang Best Picture sa Circle Competition. Nakuha rin nito ang Best Director award para kay Khavn, Best Actor para kay Justine Samson, at Best Supporting Actor para kay Pio del Rio.
Inihayag nitong Linggo ng FAMAS jury head na si Ricky Lee at ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Diño na bukod sa Best Picture, mamimigay din sila ng Grand Jury Prizes sa dalawang pinakamahuhusay na pelikula sa 10 nominado sa kategorya. Ito ay ang Tu Pug Imatuy (The Right To Kill) at Respeto.
Pinarangalan din sina Allen Dizon, Best Actor para sa Bomba; at Agot Isidro, na Best Actress para sa Changing Partners.
Iginawad naman ng FAMAS ang una nitong Dolphy King of Comedy Award kay Vice Ganda. German Moreno Youth Achievement Awardees naman sina Awra at Julie Anne San Jose, si Coco Martin ang FPJ Memorial Awardee, at si Lav Diaz ang 2018 Lifetime Achievement Awardee.
Ngayong taon ay mayroon ding karagdagang kategorya ang FAMAS, ang Short Film at Documentary. Ang Best Short Film citation ay iginawad kay P.R. Patindol para sa pelikula niyang Hilom, habang ang Best Documentary Film ay napunta sa Yield nina Victor Delotavo Lagaro at Toshihiko Uriu.
Hosted nina Piolo Pascual, Kim Chiu, at Robi Domingo, pinarangalan din sa 2018 FAMAS sina JC Santos at Max Eigenmann bilang Male and Female Face of the night. Ang JoshLia naman, o sina Joshua Garcia at Julia Barretto, ang Male at Female Celebrities of the Night.
Narito ang kumpletong listahan ng mga nanalo sa 66th FAMAS Awards:
Best Picture – Balangiga: Howling Wilderness
Best Director – Arnel Barbarona, Tu Pug Imatuy
Best Actor – Allen Dizon, Bomba
Best Actress – Agot Isidro, Changing Partners
Best Supporting Actress – Odette Khan, Bar Boys
Best Supporting Actor – Mon Confiado, Mga Gabing Kasinghaba Ng Hair Ko
Best Production Design – Marija Vicente, Timmy Harn, at Zeus Bascon, Balangiga: Howling Wilderness
Best Sound Design – Mikko Quizon, Jason Conanan, Katherine Salinas, at John Perez, Nervous Translation
Best Editing – Victor Delotavo Tagaro, Yield
Best Adapted Screenplay – Vincent de Jesus at Lilit Reyes, Changing Partners
Best Original Screenplay – Khavn dela Cruz, Achinette Villamor, at Jerry Gracio, Balangiga: Howling Wilderness
Best Musical Score – Jay Oliver Durias, Respeto
Best Cinematography – Albert Banzon, Balangiga: Howling Wilderness
Best Original Song – Katurog Na ni Lolita Carbon; music and lyrics by Khavn dela Cruz, Balangiga: Howling Wilderness
Visual Effects – Iar Arondaing, Instalado
Special Awards:
German Moreno Youth Achievement Award – Awra at Julie Anne San Jose
FPJ Memorial Award – Coco Martin
Lifetime Achievement Award – Lav Diaz
First Dolphy King of Comedy Award – Vice Ganda
-Ulat ng MB ENTERTAINMENT