IKA-12 ngayon ng Hunyo. Natatangi, mahalaga at makahulugan ang araw na ito sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas sapagkat ipinagdiriwang natin ang ika-120 Taon Anibersaryo ng ARAW NG KALAYAAN. Sa sambayanang Pilipino, isang dakilang araw ito na nagpapahalaga sa mga alaala at nagawa ng ating mga bayaning namuhunan ng buhay, talino, pawis, dugo at sakripisyo alang-alang sa Kalayaan. Ang mga nabanggit ang kanilang alay sa Kalayaan na tinatamasa at inaalagaan natin ngayon. At lahat ng mga pangyayaring lumagot sa tanikala ng pang-aalipin sa mga Pilipino ay bahagi na ng ating kasaysayan.
Bilang pagpapahalaga, sa lahat ng panig ng ating bansa sa mga bayan, lungsod sa mga lalawigan ay may idinaraos na makulay at makahulugang programa na magbibigay-kahulugan sa paksa ng pagdiriwang na: “Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan”. Sa bayan ng Angono, ang lokal na tema ng pagdiriwang ay “Kasarinlan ng Bansa, Bayang Malaya”. Ang nasabing paksa ay kaugnay ng pagsalubong sa ika-80 taon ng pagkakalagda ng pagsasarili ng Angono. Ang naganap na makasaysayang pangyayari noong Agosto 19, 1938.
Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, noong Hunyo 12, 1898, ipinahayag ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite. Dinaluhan at sinasaksihan ng mga rebolusyonaryo at makabayang Pilipino ang natatanging pangyayaring iyon. Binasa ni Ambrosio Rianzares Bautista ang Pagpapahayag ng Kalayaan na kanyang binalangkas.
Ang Pambansang Awit na kinatha ni Maestro Julian Felipe ay tinugtog sa unang pagkakataon, kasabay ng pagtataas, sa una ring pagkakataon, ng ating Pambansang Watawat na tinahi ni Marcela Agoncillo, isang makabayan na taga-Taal, Batangas, sa tulong ng kanyang anak na si Lorenza at Delfina Herbosa Natividad, pamangkin ni Dr.Jose Rizal.
Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, nalilimutan lagi ang pagpapahalaga sa mga bayaning taga-Rizal. Sa mga nagtatalumpati at nagbibigay ng mensahe ng mga inanyayahang panauhin at maging ng ilang lokal na opisyal, hindi nababanggit at napag-ukulan ng angkop na pagkilala ang mga bayaning Rizalenyo.
Nabanggit ko ito sapagkat kung magbabalik-tanaw tayo sa kasaysayan, sa lalawigan ng Rizal unang nagtaas ng tabak sina Andres Bonifacio at ang mga Katipunero. Naganap ito sa kuweba ng Pamitinan sa Montalban (Rodriguez na ngayon) noong Abril 12, 1896 nang gawin ang mga plano sa Himagsikan tulad ng Sigaw sa Pugad-Lawin, Sagupaan sa Pinaglabanan sa San Juan (lungsod na ngayon).
Sa panahon ng Himagsikan, ang mga taga-Morong ay pinamunuan ng kanilang lider na si Agustin Natividad. At isa sa hindi malilimot sa Morong ay nang salakayin ng mga Katipunero ang comamandancia o munisipyo ng Morong. Naganap ito noong umaga ng Oktubre 7,1896. Tumagal ng dalawang oras ang labanan, sa pamumuno ng matapang na si Atilano Sta. Ana, isang dating municipal captain ng Cainta, nabihag ang puwersa ng mga Kastila at nakakuha ng maraming mga baril at bala.
Matapos ang madugong sagupaan sa Pinaglabanan, San Juan, ang mga lider ng mga rebolusyonaryo ay nagtayo na ng himpilan sa mga kabundukan at nagpatuloy sa paglaban. Pinamunuan sila ng mga dakilang lider na taga-Rizal na sina Heneral Licerio Geronimo, Pio del Pilar, Hermgenes Bautista, Vicente Leyva na lalong kilala sa tawag na Heneral Kalentong (pangalan ngayon isang karsada sa Mandaluyong City); Guillermo Masangcay, Gregorio Altamirano, Heneral Edilberto Evangelista, Pedro Tanjuatco, Gregorio Mendez at iba pang magigiting at matatapang na rebolusyonaryo.
Hindi na malilimot ang mga sagupaan sa Morong, sa Sitio Rawang at Kalinwan sa bundok ng Tanay, Jalajala, Baras, Pililla, San Mateo hanggang sa bundok ng Puray sa Montalban. Sa pakikipaglaban sa mga dayuhan, ay nagbuwis sila ng dugo at buhay para sa ating kalayaan. Kalayaan na hindi na nila nasilayan ngunit lumagot sa tanikala ng pang-alipin sa minamahal nating Perlas ng Silanganan. Sila ang mga bayaning tinutukoy ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na sinabi ni Elias sa nobelang “Noli Me Tangere”, na mga nalugmok sa dilim na hindi na nasilayan ang maningning na bukang-liwayway sa ating bayan. Hindi sila dapat limutin
Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, hindi maiwasan na may iba’t ibang kahulugan at pananaw ang iba nating kababayan. May nagsasabing hindi pa ganap na malaya ang bansa sapagkat huwad at maputla pa rin ang nasyonalismo o pagka-makabayan ng maraming lider ng ating bansa. Bunga nito, hindi makabangon sa paghihikahos ang sambayanang Pilipino. Dumaranas ng kahirapan dahil sa mga panukalang-batas na pinagtibay ng mga sirkero at payaso sa Kongreso. Parusa, pahirap at pabigat sa mga mamamayan.
May nagtatanong pa na kailan kaya lalaya ang mga Pilipno sa mga pinunong buwaya, tulisan at mandarambong ng pondo ng bayan at sa mga katiwalian na nagiging dahilan ng paghihirap ng mamamayan? Kailan kaya lalaya sa pinunong tagapagtanggol ng interes ng mga dayuhan.
Anuman ang maging pananaw at kahulugan ng Araw ng Kalayaan ng ating Lupang Hinirang, Bayang Magiliw at Duyan ng Magiting, isang magandang pagkakataon sa lahat ng mga Pilipino na ang mahalagang araw na ito’y pagtibayin ang pagkakaisa. Alalahnanin lagi na: “Ang kamatayan ng mga bayani’y paglaya ang bunga/ Gintong Kalayaan na magiging pamana /Sa salin ng lahing magsisidating pa!
Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas!
-Clemen Bautista