Isang commemorative stamp ang ilalabas ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) kasabay ng ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas bukas, Hunyo 12.
Tampok sa commemorative stamp ang kulay ng watawat ng Pilipinas. Makikita rin sa selyo ang mga Pilipinong iwinawagayway ang bandila at ang bolo na ginamit sa rebolusyon laban sa mga mananakop. May imahe rin ito ng araw at tatlong bituin na sumisimbolo sa kalayaang ipinaglaban ng mga Pinoy.
Idinisenyo ng graphic artist na si Rodine Teodoro, 50,000 kopya lamang ng selyo ang ilalabas ng PhilPost sa Martes.
Mabibili ang commemorative stamps sa halagang P12 kada piraso, sa central post office sa Liwasang Bonifacio, Maynila at sa ilang piling post offices sa buong bansa.
-Beth Camia