NAGING diskusyon ng publiko ang ulat sa ekonomiya nitong nakaraang linggo. Dumating ito mula sa magkasalungat na direksiyon— isang napakapositibong balita para sa bansa sa kabuuan kontra sa isang napakanegatibo para sa maraming mamamayan.
Sa ulat ng Global Economic Prospects ngayong Hunyo 2018, kabilang ang Pilipinas sa listahan ng World Bank para ‘fastest growing economies in East Asia.’ Sinasabi rito na inaasahang lalago ang Gross Domestic Product ng bansa sa 6.7 porsiyento ngayong 2018, kasunod ng Cambodia 6.9% at Vietnam 6.8%- at sa nangungunang India na may 7.3%.
Ang ipinapalagay na paglago ay mas mataas kumpara sa China, 6.5%; sa kabuuang Silangang Asya na may 6.3% at para sa buong mundo na, 3.1%. “Growth in the Philippines and Vietnam remains robust, but capacity constraints limit further acceleration, especially in the Philippines,” ayon sa World Bank. Ang ‘capacity constraints’ na maaaring pumigil sa paglago ay maaring dahil sa kakulangan ng imprastruktura, lakas-paggawa at mga kagamitan.
Sa isa pang ulat, sinasabing umangat ang Pilipinas bilang ikaapat sa pinakamalaking nakatatanggap ng Foreign Direct Investment (FDI)--$10 billion—sa anim na pinakamalalaking ekonomiya sa timog silangang Asya. Sinusundan nito ang mga nangungunang bansa gaya ng Singapore na may $63 billion; Indonesia, $22 billion; at Vietnam $14 billion, ayon sa ulat ng American Chamber of Commerce of the Philippines, ngunit naungusan na natin ang Thailand at Malaysia na kapwa may $9 bilyong FDI.
Gayunman, sa kabila ng positibong ulat sa ekonomiya ng Pilipinas, lumabas din nitong nakaraang linggo ang ulat sa inflation— pagtaas ng presyo, na isinisisi ng ilan sa bagong Tax Reform for Acceleration and inclusion (TRAIN) law, na ipinatupad kasabay ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng gasolina sa pandaigdigang pamilihan.
Nabanggit ng isang opisyal ng National economic and Development Authority (NEDA) ang epekto ng mataas na inflation rate sa isang halimbawang budget na P50,000 para sa isang pamilya na may limang miyembro. Sinakyan ng mga kritiko ang pahayag, at sinabing walang sinumang pamilya ang kakayaning mabuhay sa P10,000 budget kada buwan, at binatikos ang pahayag na, “for brazenly downplaying the harsh effects of the TRAIN law on the prices of good ad services.” Ayon sa kanila, binuo ng NEDA, Department of Finance at ng Department of Budget and Management ang lahat ng palagay at plano, ngunit hindi sila mismo ang nakararanas ng pasakit ng mataas na presyo.
Tunay na nasa gitna tayo ng mahirap na panahon ng ekonomiya para sa maraming tao, partikular ang mga nasa mahihirap na sektor ng ating populasyon, ngunit maaaring isapuso na ang bansa bilang buo ay nasa tamang daan ng ekonomiya tulad sa ipinakitang ulat ng World Bank at ng American Chamber of Commerce. Umaasa tayo na pagtutuunan ng mga opisyal ng pamahalaan ang patuloy na pagbabantay at paglalatag ng kailangang pag-aksiyon, upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan sa pangkalahatang layunin para sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa