PINATUNAYAN ni “Prince” Albert Pagara na taglay pa niya ang bilis at lakas ng mga kamao kaya napasuko si Laryea Gabriel Odoi ng Ghana sa 3rd round ng Pinoy Pride 44 card at matamo ang WBO Intercontinental super bantamweight title nitong Sabado sa Maasin City, Leyte.

Naghagis ng tuwalya ang korner ni Odoi eksaktong 2:30 seconds sa ikatlong round kaya nagwagi si Pagara via TKO sa nasabing yugto ng sagupaan.

Napaganda ni Pagara ang kanyang rekord sa 30 panalo, 1 talo na may 21 pagwawagi sa knockouts at inaasahang aangat sa world rankings kung saan nakalista siyang No. 7 sa IBF at No. 9 sa WBO sa super bantamweight division.

Sa undercard ng laban, tinalo ni Jeo Santisima si Thai boxer Likit Chane sa 3rd round ng kanilang sagupaan para matamo ang bakanteng WBO Oriental super bantamweight title.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tiyak na papasok din sa WBO rankings si Santisima na napaganda ang kanyang kartada sa 16 panalo, 2 talo na may 14 na pagwawagi sa knockouts.

Hindi naman binigo ni Jason Pagara ang boxing fans sa kanyang pagbabalik sa ring nang patulugin niya sa 3rd round si Indonesian journeyman Wellem Reyk.

Napaganda ni Pagara ang kanyang rekord sa 41-3-1 na may 26 panalo sa knockouts at nangakong babawi sa pagkatalo sa Hapones na si Hiroki Okada via 3rd round TKO nang lumaban na overweight para sa bakanteng WBO Asia Pacific super lightweight title sa Korakuen Hall, Tokyo, Japan noong nakaraang Disyembre 19.

Nakabawi rin sa pagkatalo via 6th round TKO kay dating WBC bantamweight champion Luis Nery sa Tijuana, Mexico si WBC No. 12 Arthur Villanueva na tinalo via 7th round TKO ang kababayang si Renren Tesorio.

Tiyak na aangat si Villanueva sa WBC rankings matapos mapaganda ang kanyang kartada sa 32 panalo, 3 talo na may 18 pagwawagi sa knockouts.

Tiyak na aangat din si WBC No. 4 minimumweight Melvin Jerusalem nang mapatigil niya si Philip Luis Cuerdo sa 8th round ng kanilang sagupaan.

Napaganda ni Jerusalem ang kanyang rekord sa 13 panalo, 2 talo na may 8 pagwawagi sa knockouts at inaasahang magkakaroon siya ng rematch kay WBC minimumweight champion Chayapoon Moonsri na tumalo sa kanya sa puntos noong Enero 25, 2017 sa Phitsanulok, Thailand.

-Gilbert Espeña