Budol-budol gang ang hinihinalang nasa likod ng pagtangay sa P1.5 milyon cash at alahas ng isang 80-anyos na babae sa Muntinlupa City, nitong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Mercedes Grindstaff y Alipon, 80, ng Betterliving Subdivision, Parañaque City.

Sa naantalang ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa loob ng isang bangko na matatagpuan sa panulukan ng Unioil Building sa Acacia Street, at Commerce Avenue, Madrigal Business Park, Ayala Alabang sa Muntinlupa City, sa pagitan ng 3:00-4:00 ng hapon nitong Hunyo 8.

Sa inisyal na imbestigasyon, nilapitan ang biktima ng isang hindi pa nakikilalang babae sa isang mall sa Taguig City at nagtanong ng direksiyon hanggang sa nakumbinsi ang una na samahan siya sa loob ng isang kotse na kinalululanan ng isang lalaki at isa pang babae.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Habang nasa biyahe, itinuro na umano ng suspek sa biktima kung paano mag-withdraw ng pera gamit ang bankbook. At dahil sa matatamis na salita ng suspek, nakumbinsi ang biktima na ipakita ang kanyang bankbook at nagtungo sa isang bangko sa lugar upang maglabas ng P1.5 milyong cash.

Sinamahan pa umano ng suspek ang biktima sa loob ng bangko at matapos makapag-withdraw ay agad silang bumalik sa loob ng kotse.

Inilagay umano ng suspek ang cash at alahas sa loob ng isang shoulder bag at inabot sa biktima bago ibinaba sa tapat ng isang fastfood chain at pinangakuang babalikan.

Subalit makalipas ang ilang oras, hindi na bumalik ang mga suspek kaya nagpasya ang biktima na umuwi at mamasahe hanggang sa nakitang puro papel at hindi pera ang laman ng kanyang bag.

Agad dumulog si Grindstaff sa Police Community Precinct (PCP) 5 Ayala-Alabang.

Patuloy ang imbestigasyon at follow-up operation sa insidente.

-Bella Gamotea