ISA sa nakamulatan kong gintong-aral sa aking mga magulang ay ang bilin nilang, “kapag nasa katwiran ka, ipaglaban mo!”
Mula sa pagkabata hanggang sa ngayong ini-enjoy ko na ang mga discount para sa senior citizen ay ginawa ko itong panuntunan sa aking buhay. Hindi ako makapapayag na tatahimik na lamang habang may isang mayabang na harapang tinatapakan ang aking karapatan – sinisiguro kong “maghahalo ang balat sa tinalupan!”
Kaya naman sumubo ang ngitngit sa dibdib ko nang mapanood ang ekslusibong video ng iginagalang kong programang “Reporter’s Notebook” ng GMA-7, kung papaanong tinatapakan ng mga marinong Tsino ang karapatan ng mga kababayan nating mangingisda sa “pinag-aagawan” na lugar sa bahagi ng West Philippine Sea na kilala sa tawag na Scarborough Shoal.
Nitong Sabado, ganap na sumabog ang kinikimkim kong galit nang personal kong makausap at marinig mula sa isang eksperto ang isyung ito – na para sa akin ay “makabagong bayaning” Pilipino dahil buong tiyaga at tapang niyang pinamunuan ang grupong lumaban at nagpanalo sa kasong ito na inihain sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) – na atin ang karapatan sa lugar at ‘di tayo dapat magpabusabos sa mga marinong Tsinong!
Ang tinutukoy kong “makabagong bayani” ay si dating Solicitor General Florin Hilbay, isang taal na TONDO BOY – isang ka-lugar, kaya abot ko kung gaano karubrob niyang ipinaglaban ang karapatan ng ating bansa laban sa China -- na ngayon ay ginugugol ang malaking bahagi ng kanyang oras upang ipaalam sa nakararaming Pilipino ang kanilang KARAPATAN sa mga kontrabersiyal na lugar.
‘Nga pala, ‘wag ninyong ipagkakamali si SolGen Hillbay doon sa isang SolGen na sobrang suwerte dahil sa mga milyones na kontratang nakuha nito sa pamahalaan simula nang mapabilang sa administrasyong ito – magkaibang-magkaiba po silang dalawa!
Ang ‘di ko maintindihan ay anong kabanlintunaan ang ginagawa ng mga opisyales sa administrasyong ito at waring ISINUSUKO nila sa China ang UNANIMOUSLY na ipinanalong kaso ng grupo ni SolGen Hillbay?
Noon kasing reporter pa ako at nagko-cover sa Defense, ang madalas na ibinibida ng mga nakakakuwentuhan naming mga opisyal ng Philippine Navy (PN) at Philippine Cost Guard (PCG) ay kung papaano nila pinapasabog yung mga “marker” na iniwan ng mga marinong Tsino sa pinag-aagawang mga batuhan sa gitna ng karagatan. Tinatayuan pa nga nila ng bandila ng Pilipinas ang ilan sa maliliit na islang ito na pawang mga “uninhabited” naman. Hindi pa tayo nananalo sa UNCLOS noon at ang tawag pa sa lugar ay South China Sea.
Ngunit ngayon, kung kailan naman sinabi na ng UNCLOS na atin talaga ang naturang mga lugar, at kung kailan pa natin ito tinawag na West Philippine Sea (WPS) – saka tila umurong ang mga bayag ng ating mga militar at pinababayaan na mamayagpag at maghari sa lugar ang mga marinong Tsino…Grabe pati nga ‘yong nag-iisang minahan natin ng langis sa Malampaya ay naapektuhan dahil sa panghihimasok na ito ng mga marinong Tsino!
Ang mga opisyales naman ng administrasyong ito, kulang na lamang ay ilagay sa GIFT WRAPPED BOX ang buong WPS at ipadala sa pamahalaan ng China – dahil daw kasi ‘di natin kayang makipagbakbakan sa China, kaya diplomasiya ang kanilang ginagamit at ang kapalit nito ay ang bilyong negosyong ipapasok ng mga negosyante nito sa bansa!
Simula ngayong araw, kahit mas matanda ako ng ilang dekada kay SolGen Hillbay, susundan ko ang kanyang yapak at adhikain – itutulong ko ang natitira ko pang mga araw at taon para sa adbokasyang ito. MABUHAY!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.