“ANG Korte Suprema ang humahatol. Dapat tayo ay sumunod,” wika ni Acting Chief Justice Antonio Carpio sa ambush interview sa sideline ng ika-117 anibersaryo ng Korte sa Padre Faura Street, sa Maynila. Dapat ang mamamayan, aniya, ay matutong igalang ang desisyon ng Korte sa kasong quo warranto na nagpapatalsik kay Chief Justice Lourdes Sereno. “Dapat ay tanggapin natin ang desisyon dahil ito ang kagustuhan ng mayorya. Ang mayorya ang nasusunod. Ito ang demokrasya,” paliwanag niya.
Totoo, sa demokrasya, ang napagkaisahan ng nakararami ang mangyayari. Pero, isa lang ito sa mga batayang prinsipyo ng demokratikong lipunan. Ang higit na mahalaga ay ang karapatan ng bawat mamamayan sa due process. Pandaigdigang karapatan ito na ginagarantiyahan at iginagalang, mayroon man o walang batas. Dahil ito ay nakasaad sa ating Saligang Batas, higit na dapat itong sundin at igalang. Ang mayorya na sinasabi ni Carpio na dapat matutong sundin ng mamamayan ay binalewala ang karapatang ito sa due process. Ipinagkait nito kay CJ Sereno ang karapatan niyang ito.
Kasi, ang karapatan sa due process ay hindi lang nangangahulugan na ang inirereklamo ay binibigyan ng pagkakataong magpaliwanag. Dapat ang dumidinig ng kanyang paliwanag ay patas at walang kinikilingan. At hindi lang patas, kundi may itsura pang patas. Kahit alinmang partido sa isang kaso na nagduda sa kakayahan ng hukom na humatol ng patas, kahit wala itong batayan, ayon mismo sa Korte Suprema, dapat mag-disqualify ang hukom. Maraming kasong naging ganito ang desisyon ng Korte at isa-isang itinuturo sa amin sa subject na Judicial at Legal Ethics. Kahit matagal at matanda ka nang abugado, pwersahang itinuturo sa iyo ito sa ilalim ng Mandatory Continuing Legal Education (MCLE). Ito iyong sistemang nilikha mismo ng Korte Suprema upang matutuhan ng lahat ng abugado ang mga bagong batas at prinsipyo ng batas para matulungan sila sa pagganap sa kanilang tungkulin. Obligadong kumuha ng MCLE ang mga abugado dahil ang sinumang sumuway nito at balewalain ang MCLE ay masususpinde.
Ang walo sa mayorya na kumatig sa quo warranto laban kay Sereno ay sina Associate Justice Teresita de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, at Francis Jardeleza. Si Tijam pa ang sumulat ng desisyon. Eh, ang limang ito ay tumestigo laban kay Sereno sa House of Committee on Justice na duminig ng impeachment complaint laban sa kanya. Binalewala nila ang motion for disqualification na isinampa ni Sereno laban sa kanila. Kung matatauhan ang lima o ilan sa lima na ang kanilang ginawa ay hindi naaayon sa judicial o legal ethics na ipinatuturo nila sa lahat ng mga abugado, maaaring mabago ang botong 8-6 na unang pumabor sa quo warranto.
-Ric Valmonte