MAGANDA ang trailer ng pelikulang Cry No Fear, na produced ng Viva Films. Kaya kahit hindi kalakihan ang pangalan ng mga bidang sina Ella Cruz at Donnalyn Bartolome ay sigurado kaming papasukin ito.
Karaniwang labanan na kasi na dapat ay sikat ang bida sa pelikula, plus maganda ang kuwento at pagkakadirek para kumita sa takilya, tulad ng Sid & Aya: Not a Love Story, na lumampas na sa P100 milyon ang kinita as of this writing.
Pero may mga nakakatsamba ring mga pelikula na hindi naman masyadong sikat ang mga bida, pero humakot sa takilya. Tulad halimbawa ng Kita Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez, na idinirek ni Sigrid Andrea Bernardo, at kumita ng mahigit P400 milyon.
Inspired sa tunay na pangyayari ang kuwento ng Cry No Fear, na si Richard Somes mismo ang nagsulat at nagdirek, dahil totoong nangyari raw ito sa kaibigan niya.
Kuwento ng isang pamilyang nasa exclusive subdivision na pinasok ng mga hindi kilalang tao at isa-isang pinaslang ang tampok sa Cry No Fear. Hindi nalalayo sa Vizconde Massacre noong 1991, na ilang taon ding naging laman ng mga pahayagan.
Ayon sa kuwento, half sisters sina Wendy (Ella) at Kaycee (Donnalyn) na hindi talaga magkasundo at laging nag-aaway. Naiwan sila sa bahay kasama ang kanilang yaya dahil may out-of-town work ang ama nilang si Lito Pimentel. Mahigpit silang binilinan nito na huwag aalis ng bahay, at isantabi muna ang anumang gusot sa pagitan nila.
Base sa kuwento nina Ella at Donnalyn, talagang nahirapan sila sa shooting ng Cry No Fear dahil umuulan noon at nasa labas sila ng bahay.
Si Ella, na pinatalon ni Direk Richard mula sa mataas na palapag na ang babagsakan ay swimming pool, ay kinapos ng hininga at nag-panic tuloy.
Mabuti na lang at may dalang emergency oxygen si Direk Richard, at siya mismo ang nagbigay ng first-aid kay Ella, na labis siyang pinasalamatan.
“Nagme-medic talaga ako. Kasi sa maritime school, required talaga kami to buy that (emergency oxygen),” sabi ni Direk Richard.
“Kaya umuuwi po talaga kami ni Donnalyn na puro pasa talaga, kasi buong pelikula bumabagyo, as in seven shooting days po umuulan,” kuwento ni Ella. “Kaya sobrang challenge talaga ang mga eksena namin dito, dahil hindi lang emotional ang kinailangan namin kundi pati physical. Dumating po sa punto na kapag umuuwi na ako ng bahay ay nagtsi-chill ako, dahil babad kami sa basa at talagang nilalagnat kami.”
“Sobrang hirap po talaga ‘tong pelikula, kailangan mo talagang mag-exercise para sa pisikal,” sabi naman ni Donnalyn. “Kailangan din kasing tumanggap ng ganitong role para hindi naman makita ng tao na puro pa-cute lang.
“‘Yung last day po ang pinakamahirap sa amin, kasi puro kami pasa-pasa. Sa sobrang hirap po, hindi na ako makatayo paggising ko the next day, kaya pinainom ako ng gamot (pain reliever),” dagdag pa ni Donnalyn.
Sa pelikula, sa gitna ng matinding bagyo ay nabulabog ang magkapatid sa pagkatok ng ilang taong humihingi ng pagkain at gamot. Itinaboy nila ang mga ito, ngunit mas lalo nilang nailagay ang mga sarili sa panganib.
Pinasok ang magkapatid ng masasamang loob (Lander Vera Perez, Christopher Roxas, Patricia Javier), na hindi magdadalawang-isip na patayin sila, kaya ang dating magkaaway ay biglang nagkasundo para mailigtas nila ang isa’t isa.
Payo tuloy ni Direk Richard sa publiko na kapag maiiwan sa bahay ay laging magsasara, at huwag ipapaalam sa iba na mag-isa lang para sa sariling kaligtasan. Iwasan din daw ang mag-post ng kung ano-ano sa social media dahil dito kumukuha ng impormasyon ang masasamang loob.
Mapapanood na ang Cry No Fear sa Hunyo 20.
-Reggee Bonoan