Siyam na hikers ang nasagip matapos hindi makababa ang mga ito mula sa isang bundok sa Bataan dahil sa lakas ng hangin at ulan na dulot ng bagyong “Domeng”, nitong Sabado ng umaga.

Ang grupo ng hikers ay mga estudyante ng Bulacan State University. Kinilala ni Northern Luzon Command (NoLCom) Spokesman Lt. Col. Isagani Nato ang mga nasagip na sina Quirino Santiago, Leomart Mangawan, Carlo Fuentez, Jovito Bacay, Jr., Ian Carlo, Reniel Calooy, Federico Odiada, Jeffrey Culilap, at Arjan Eteban.

Hindi nabanggit kung kailan nagsimulang umakyat ang grupo sa Mount Natib sa Barangay Tala, Orani, ngunit ayon kay Nato ay nakatanggap ng report ang NoLCom na may mga hiker na inabot ng ulan sa Natib at hindi makababa, nitong Biyernes ng hatinggabi.

Bumuo ng isang rescue team na binubuo ng mga sundalo mula sa 48th Infantry Battalion ng Army.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Agad namang nakita ng team ang grupo.

Dinala ang mga estudyante sa Tala Patrol Base, ani Nato.

Samantala, isa ang Bataan sa mga lugar na nakaranas ng matinding pag-ulan dahil sa pagbayo ng bagyong Domeng.

Palayo na sa bansa ang Domeng, ngunit patuloy ang pag-ulan dahil sa habagat.

Nagkaroon naman ng pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila simula Sabado ng hatinggabi.

Dahil dito, itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa “red” ang Rainfall Warning alert sa Maynila.

Pinakamatinding binaha ang Quezon City, kaya dinagdagan na ang Disaster Action Team na nakatutok sa Emergency Operations Center sa Quezon City hall.

Mataas din ang baha sa Roxas District, Talayan, Tatalon, Damayang Lagi, at Doña Imelda.

Dahil din sa walang patid na pag-ulan, umapaw ang Buwaya Creek at Diliman Creek, nitong Sabado ng gabi.

Tinutukan din ng awtoridad ang Agno St., Agno Extension, G. Araneta Avenue-Victoria St., Kaliraya sa Bgy. Tatalon; Gumamela St., sa Bgy. Roxas; E. Rodriguez Avenue- G. Araneta Avenue, Palanas St., Bayani St., sa Bgy. Doña Imelda.

Patuloy na makakaranas ng pag-ulan ang Luzon partikular na sa may kanluran hanggang sa susunod na linggo.

-FRANCIS T. WAKEFIELD at JUN FABON, ulat ni Beth Camia