KASAMA ng pakikibahagi natin sa bagong pag-asa ng administrasyon para sa muling pagbuhay ng usapang pangkapayapaan kasama ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ng New People’s Army (NPA), kailangan nating harapin ang malupit na realidad ng kasalukuyan.
Nagawang makipagkasundo ng Pangulo sa Moro Islamic Liberation Force (MILF) sa pamamagitan ng pagbibigay ng Bangsamoro autonomous region, isa sa mga rehiyon na maaaring malikha sa binabalak na sistemang federal ng pamahalaan. Isinulong niya na maipasa sa Kongreso ang Bangsamoro Basic Law (BBL), na susundan ng bagong Konstitusyon na nagbibigay ng ilang federal na estado na tutugon sa hinihingi ng pinuno ng mga Moro.
Ngunit ang hinihingi ng CPP ay hindi aangkop sa federal na sistema ng pamahalaan. Layunin nito ang ilang pangunahing pagbabago sa pambansang pamahalaan—ekonomikal, sosyal, legal at pulitikal. Ilan sa mga pagbabagong ito ang napagkasunduan na sa ilang serye ng pagpupulong sa mga nakalipas na buwan. Ngunit ang huling kasunduan ay inayawan ng mga negosyador.
Noong Nobyembre 2017, nang huling mahinto ang pag-uusap, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na niya kayang ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa Komunistang grupo, dahil sa “sounded like they wanted a coalition government.” Aniya, “I cannot give you what I do not own. And certainly a coalition government with the Republic of the Philippines is pure nonsense.”
Sumibol ang CPP taon 1968 sa panahon sa kasaysayan ng mundo kung saan sinasakop ng Komunismo ang daigdig at naging matagumpay ang mga pinuno nito na makuha ang Russia, China at ilan pang bansa. Namatay ang Komunismo sa Russia sa pamamagitan ng paglusaw sa Soviet Union, habang bumuo naman ng sariling uri ng pamilihing ekonomiya ang China.
Ngunit nagawang manatiling buhay ng Communist Party of the Philippines at ng NPA sa pakikipaglaban sa pamahalaan sa bahagi ng Mindanao at iba pang bahagi ng bansa. Napanatili nila ang kanilang layunin sa mga nagdaang dekada. Nais nila ng ilang pangunahing pagbabago sa gobyerno ng Pilipinas, marahil sa pamamagitan ng isang “coalition government” na tinanggihan ng Pangulo noong nakaraang Nobyembre.
Ngunit ngayon ay muling binuksan ng Pangulo ang pintuan upang muling ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan. Ang punong negosyador, si Secretary of Labor Silvestre Bello III, ay patungo ngayon sa The Netherlands para sa isang impormal na pakikipagpulong. Umaasa siya na maisulong ang pansamatalang kasunduang pangkapayapaan, na magbibigay daan sa isang pinal na kasunduan sa hinaharap.
Nakikibahagi tayo sa pag-asa ni Bello sa isang pansamantalang kasunduan at ang posibilidad na mapagtibay ito bago ang dalawang buwan na itinakda ni Pangulong Duterte para sa bagong pakikipagpulong. Gayunman, para sa pinal na kasunduan, hindi nagpapakita ang magkabilang panig ng anumang tanda ng pag-atras mula sa kanilang posisyon noong nakaraang Nobyembre.
Sa kabila nito, patuloy tayong aasa na ang kapayapaan kasama ng Communist Party of the Philippines at ng New People’s Army ay makakamit – marahil sa kabila ng kawalan ng hinihinging pagbabago sa anyo ng pamahalaan na tinanggihan ni Pangulong Duterte noong nakaraang Nobyembre, ngunit kalakip ang sangkap ng pangunahing reporma at tunay na mabuting pamumuno.