Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at FRANCIS T. WAKEFIELD

Imposible!

Ito naman ang tugon kahapon ng Malacañang sa isiniwalat kahapon ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano na ipinahinto na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatrulya ng militar sa West Philippine Sea (WPS).

Sinagot ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang inihayag ni Alejano, na nagsabing nakatanggap siya ng impormasyon na ipinag-utos ng Pangulo na itigil ang pagpapatrulya sa pinag-aagawang lugar, kaya naman isang beses kada linggo na lang umano nagpapatrulya ang militar sa WPS.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi rin ni Alejano na hindi pabor ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nasabing kautusan, dahil nagpapatuloy ang Chinese militarization sa pinag-aagawang teritoryo.

“That’s impossible,” saad sa text message ni Roque.

Una nang itinanggi na ng AFP ang alegasyon at sinabing hindi nila alam kung saan nanggaling ang impormasyong hawak ni Alejano.

“I do not know where Cong. Alejano got that supposed instruction from the Commander-in-Chief. Malamang kuryenteng balita ‘yan, if not yet another malicious imputation on the President dragging the AFP in,” sabi ni AFP spokesman Marine Col. Edgard Arevalo.

Idinagdag pa ni Arevalo na nagpapatuloy ang maritime at aerial patrols ng militar sa WPS, salungat sa alegasyon ni Alejano.

“Let me assure our people that your AFP continues and will continue to perform its mandate,” sabi pa ni Arevalo.

Ibinunyag ni Alejano ang nasabing impormasyon makaraang mag-viral ang video ng GMA News na makikitang sinasamsam ng mga Chinese ang mga huli ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal sa Zambales.

Sinabi naman ni Roque na wala siyang nakitang bullying sa nasabing video, ngunit nilinaw na sakaling mapatunayan ay maaari itong pagbasehan ng ihahaing protesta laban sa China.

Sa panayam ng GMA sa isa sa mga mangingisda, sinabi nitong basta na lamang kinukuha ng mga Chinese ang pinakamagaganda at pinakamalalaki sa kanilang mga huling isda.

May ulat ni Vanne Elaine P. Terrazola