KA-TEXT namin noong isang linggo si Binibining Joyce Bernal para itanong kung tuloy na siya sa pagdidirek sa pelikula ni Vice Ganda na kalahok sa 2018 Metro Manila Film Festival, produced ng Star Cinema at Viva Films.

Robin, Direk Joyce at Korean investors

Robin, Direk Joyce at Korean investors

Ang sagot ni Direk Joyce: “Hindi, eh.”

Balitang nakipag-meeting na si Vice sa Star Cinema executives tungkol sa pelikulang gagawin niya, at wala kaming nabalitaan kung sino ang direktor ng nasabing movie.

Pelikula

Hello, Love, Again, kumita ng ₱85M sa unang araw!

Kaya naman itinanong na rin namin sa kanya kung sino ang magdidirehe sa pelikula ni Vice.

“Hindi ko pa alam, nasa Korea ako,” sagot ni Direk Joyce.

Inisip naming may shooting sa nasabing bansa ang isa sa producer at creative consultant ng Spring Films, kaya hindi na kami nagtanong pa. Hanggang sa nabasa namin ang Instagram post ni Robin Padilla tungkol sa pagpunta ni Direk Joyce sa Korea, na sumama sa entourage ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Caption ni Robin sa mga litratong ipinost niya kasama si Direk Joyce at ang Korean executives: “Sa ngalan ng Nag iisang Panginoong Maylikha ang pinakamapagpala at ang pinakamahabagin, isang napakalaking hudyat ang nagawa ni Binibining Direk Joyce para sa sining at pelikula.

“Sinagot niya ang kanyang sariling pamasahe sa eroplano papunta sa South Korea bilang isang delegado ng ating Inangbayan Pilipinas, pati ang kanyang hotel pati na rin ang pantaxi at pangkain lahat ay sariling gastos niya at ng Spring Productions.

“Napakainam na mabuksan ang pintuan para magkaroon ng partnership! Ssang co production! Ang dalawang bansa ay nais na palakasin ang relasyon bilang magkaibigan at magkamag-anak. Parte tayo ng kasaysayan ng South at North Korea at tanging isang pelikula o TV series lamang ang pinakamalakas na Medium o Daan patungo sa pagkakaintindihan ng Kultura at Tradisyon ng Korea at ng Pilipinas.”

Pinasalamatan din ng isa sa mga bida ng Sana Dalawa Ang Puso ang Korean actor na si Ryan Bang.

“Maraming salamat ginoong Ryan Bang sa pagtulong sa amin na maging matagumpay ang Paglalakbay na ito. Isa kang tunay na nagmamahal sa aming Inangbayan! Mabuhay ka! #JustGOit, “ post pa ni Robin.

Samantala, sa umereng kuwento ng Sana Dalawa Ang Puso nitong Biyernes ay nag-propose na si Leo Tabayoyong (Robin) kay Lisa (Jodi Sta. Maria) para matapos na ang panggigipit sa kanila ng ama ng dalaga na si Juancho Laureano (Christopher de Leon).

Tinanggap ni Lisa ang marriage proposal ni Leo at nangakong hindi sila mapaghihiwalay ng kahit sino.

-Reggee Bonoan