Masusi nang nag-iimbestiga ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng pagkakasangkot umano ng mga nasibak na pulis sa pagpapakalat ng pekeng impormasyon kaugnay ng pagtindi ng kriminalidad sa bansa.

Ito ang naging reaksiyon kahapon ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde matapos na muling itanggi ang naiulat na sunud-sunod na krimen, partikular na ang mga holdapan sa ilang establisimyento sa Metro Manila.

“It’s possible na puwede rin ‘yung mga disgruntled o mga natanggal sa aming hanay ang mga nagkakakalat din ng mga ganito,” paglilinaw ng heneral nang tanungin kung sino ang posibleng nasa likod ng umano’y pagpapakalat ng fake crimes sa social media.

Ang mga ito lamang, aniya, ang may ideya kung paano sirain o palabasin na “we have very bad peace and order situation in our country”, ayon kay Albayalde.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Nauna nang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nag-viral sa social media ang mga ipinost na robbery incidents sa mga restaurant sa lungsod.

Klinaro na rin ni NCRPO Director Guillermo Eleazar na isa lamang sa limang nailathala sa social media ang totoong nangyari, kung saan ang nabiktima ay isang Japanese restaurant sa panulukan ng Scout Tobias at Lascano Streets sa Barangay Laging Handa, na sinasabing nilooban ng apat na hindi nakilalang lalaki, nitong Hunyo 1.

Nanawagan na rin si Eleazar sa publiko na ihinto na ang pagpapakalat ng “fake news at kasinungalingan” upang hindi maalarma ang publiko.

Kaugnay nito, inatasan na rin ni Albayalde ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahang mabuti ang social media accounts ng mga pinaghihinalaang nasa likod ng “fake crimes.”

“That is being worked upon by our ACG at pag na-identify natin ‘yan, we can file appropriate charges also,” ayon pa sa kanya. - Martin A. Sadongdong