MGA Kapanalig, matunog sa mga balita ngayon ang “conflict of interest”. Ito’y dahil may ilang mga kawani ng administrasyong Duterte ang nasasangkot sa isyu ng katiwalian katulad ng kare-resign lamang na kalihim ng Department of Tourism (DOT) na si Wanda Tulfo-Teo, ng kontrobersyal ngayong si Solicitor General Jose Calida, at ang pinakabago sa listahan, si Senator Cynthia Villar.

Ayon po sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, may conflict of interest kapag ang isang opisyal o kawani ng gobyerno ay board member o may pag-aaring stocks sa isang pribadong kompanya, o may mahalagang interes sa negosyong maaaring bahiran ang kanyang matapat na pagganap sa kanyang sinumpaang tungkulin.

Si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo, halimbawa, ay napilitang magbitiw dahil lumitaw sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) na nagbayad ang kanyang kagawaran ng 60 milyong piso sa media outfit na pag-aari ng kanyang mga kapatid. Bayad daw po iyon para sa mga advertisement ng DoT na lumabas sa show mismo ng mga kapatid ng kalihim sa istasyong pag-aari ng pamahalaan. Nangako ang magkakapatid na Tulfo na ibabalik nila ang ibinayad sa kanila ngunit wala pa tayong naririnig na nangyari nga ito.

Conflict of interest din daw ang pagkakakuha ng pribadong security agency na pag-aari ng pamilya ni Solicitor General Calida ng sampung kontratang nagkakahalaga ng mahigit 100 milyong piso sa anim na ahensiya ng gobyerno. Giit ni Solgen, nag-resign daw siya bilang chairman at presidente ng security agency isang buwan bago siya maitalaga sa kanyang kasalukuyang pwesto. Kumpas man ng swerte ang pagkakakuha ng mga kontrata ng nasabing security agency, hindi maitatagong pamilya pa rin niya ang nakikinabang sa mga ito.

At noong isang linggo lamang, isang lider-magsasaka ang nagpahiwatig na conflict of interest ang pamumuno ni Senador Cynthia Villar sa Senate Committee on Agriculture, Food, Agrarian Reform at Environment and Natural Resources. Kabilang ang mga kumpanyang pagmamay-ari at pinatatakbo ng pamilyang Villar sa mga nangungunang developers sa bansa, at dahil daw dito, hindi makausad-usad ang pagtalakay sa mahahalagang panukalang mangangalaga sa ating kalikasan at mga kalupaan tulad ng National Land Use Act.

Kaya hindi nakapagtatakang hindi siya tumututol sa pagkakapatag ng isang bundok sa Boracay—na dapat niyang ginagawa bilang mambabatas—dahil parte iyon ng proyekto ng kumpanyang pinamumunuan ng kanyang asawa.

Malinaw pa sa sikat ng araw ang conflict of interest sa mga kasong ito. Bagamat maaaring sabihing hindi sila ang nagpapatakbo ng mga negosyo ng kanilang pamilya, pag-aari pa rin iyon ng kanilang mga kaanak at may mga interes silang maaaring impluwensiyahan ang kanilang mga desisyon bilang mga public officials.

Itinuturo sa atin ng mga panlipunang turo ng Simbahan na ang tuon ng pampulitikang awtoridad (political authority) ay ang mga tao, ang mga mamamayang pinagmumulan ng kapangyarihan ng mga nanunungkulan sa pamahalaan. Isinasalin natin ang ating kapangyarihan sa mga opisyal o kawani ng pamahalaan sa pamamagitan ng eleksyon o pagtatalaga sa kanila bilang mga lider.

Samakatuwid, ibinibigay natin ang ating pahintulot sa mga kawaning ito na pangalagaan ang ating mga karapatan at siguruhing makakamit natin ang kagalingan ng lahat o common good – hindi ang interes ng kanilang mga pamilya o ng kanilang mga negosyo.

Mga Kapanalig, bilang tayo ang pinagmumulan ng awtoridad ng mga nasa pamahalaan, hindi natin dapat ipagkibit-balikat lamang ang isyu ng conflict of interest na kinasasangkutan ng mga opisyal natin ngayon. Tiyakin nating mapananagot sa batas ang mga abusado sa kapangyarihan. Itaas natin ang ating pamantayan sa mga taong pinagkatiwalaan natin ng ating kapangyarihan. Sa huli, kailangan natin ng mga tunay na lingkod-bayan na inuuna ang kapakanan ng bayan at hindi ang kikitain ng kanilang pamilya.

Sumainyo ang katotohanan.

-Fr. Anton Pascual