Sinibak kahapon sa puwesto ang hepe ng Antipolo City Police, kasunod ng mga patayang naganap sa kanyang nasasakupan.

Pinalitan ni Police Supt. Villaflor Sabio Bannawagan, na magsisilbing officer-in-charge (OIC) ng Antipolo City Police, si Police Sr. Supt. Serafin Petalio, na itinalaga namang OIC sa Regional Intelligence Division ng PRO 4-A.

Sinibak si Petalio dahil sa sunud-sunod na patayang naganap sa Antipolo City nitong nakaraang buwan, kabilang na ang pananambang kay Police Supt. Romy Tagnong, legal officer ng PRO-4, na pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Barangay Dalig sa nasabing lungsod noong Mayo 4.

Kabilang din ang pagpatay kay PO3 Don Carlo Magui, na binaril sa ulo sa Bgy. Dela Paz nitong huling linggo ng Mayo.

Probinsya

‘Premonition nga ba?’ Pagdagsa ng ibon sa ilang lugar sa Bicol, umani ng reaksiyon

May mga patayan din pagkatapos ng eleksiyon katulad ng pamamaslang sa kapitan ng isang barangay sa San Mateo, Rizal.

Gayundin, ang pagpatay sa dating pulis at natalong kandidato sa pagka-barangay captain na si Rodolfo Lico sa Bgy. San Isidro nitong Mayo 19.

Ang pinakahuli ay ang pananambang kay Dominador Lucas, na empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

-Mary Ann Santiago