KAISA ang buong mundo, nagluluksa rin ang Pilipinas sa pagpanaw ng celebrity chef-turned TV host na si Anthony Bourdain nitong Biyernes.
Nagsimulang magustuhan at makilala ng mga Pilipino si Anthony dahil sa ilang beses niyang pagbisita sa bansa, para balik-balikan ang mga putaheng Pinoy.
Ayon sa media reports, nagpabalik-balik sa bansa si Anthony para rin paulit-ulit na matikman ang kanyang mga nagustuhang pagkaing Pinoy.
Noong 2008, sinabi ng chef na ang isa sa kanyang paboritong putaheng Pinoy ang Sisig dahil ito ay “simple, flavorful, delicious and goes perfectly with beer.” Una niya itong natikman sa Cebu kasama si chef Claude Tayag.
Paborito rin niya ang lechon ng Cebu, at sinabing ito ang pinakamasarap na roasted pig na kanyang natikman.
Noong 2015, namataan naman siya sa isang local bar na nag-iinom kasama ang ilang reporter.
Hindi rin niya pinalampas na matutuhang lutuin ang signature dish ng mga Pinoy, ang Adobo. Gayundin, tinikman din ni Anthony ang pinagkakaguluhang Jollibee food items ng mga Pilipino.
Pero umamin si Anthony na ayaw na ayaw niya ang mascots.
Nitong nakaraang taon, nag-guest si Anthony sa isang food conference, at dito ay tinalakay niya ang “personal connection” niya sa Pilipinas. At aniya: “I’m grateful to be back.”
“This is a personal connection for me. My daughter, like so many American children, has been largely raised by Filipinas. Her brother from another mother is a Filipino kid,” pagmamalaki niya.