KUMPIYANSA si National women’s basketball head coach Patrick Aquino na may kalalagyan at makakasabay ang Team Philippines laban sa pinakamatitikas sa mundo sa paglarga ng FIBA 3x3 World Cup na nagsimula kahapon sa Philippine Arena sa Bulacan.
Binubuo nina Jack Animam, UAAP star Afril Bernardino, Gemma Miranda, at Janine Pontejos, mapapalaban ang Pinay cagers sa Pool D na kinabibilangan ng Hungary, Netherlands, Germany at Spain.
“They are all tough teams. We are in the group of death in the women’s division. Netherlands is the number one (in the world), Spain is number one in Europe, and I think Germany is in the top five. I guess we just have to do well and prove ourselves that we belong,” pahayag ni Aquino.
Nakatakdang harapin ng Perlas Pilipinas ang Netherlands ganap na 2:50 ng hapon ng Biyernes, kasunod ang laban sa Germany ganap na 6:40 ng gabi.
Pangungunahan naman ni Fil-German Christian Standhardinger ang Gilas Pilipinas sa men’s division.
Makakasama ni Standhardinger sina GlobalPort slasher Stanley Pringle at magkasangga sa TNT na sina Troy Rosario at Roger Pogoy sa tatlong araw na kompetisyon.
Tangan ng Philippines ang seeded 19th kasama ang Canada, Russia, Brazil, at Mongolia Group C.