Opisyal nang idineklara ng Philippine Armospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.
Kinumpirma kahapon ng ahensiya ang simula ng tag-ulan kasunod ng malawakang pag-ulan na naitala sa halos lahat ng weather station sa mga nakalipas na araw dulot ng habagat.
Ayon sa PAG-ASA, mararanasan ang maulang panahon sa kanlurang bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila.
Ang mga lugar na ito, ayon sa PAG-ASA, ay patuloy na makakaranas ng kalat-kalat hanggang sa malawakang ulan sa mga susunod pang araw.
Gayunman, susundan naman ito ng tuyong panahon o “monsoon break”, na tatagal ng hanggang dalawang linggo.
“PAGASA will continue to closely monitor the situation and updates or advisories shall be issued as appropriate. The public and all concerned agencies are advised to take precautionary measures against the impacts of the rainy season,” pahayag ng ahensya.
Kinumpirma ng PAGASA ang pagpasok ng tag-ulan sa bansa kasunod ng pamumuo ng bagyong ‘Domeng’, na nagpaigting sa habagat sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas.
-Alexandria Dennise San Juan