NAKABALIK na sa bansa si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules mula sa kanyang pagbisita sa South Korea, bitbit niya sa kanyang pag-uwi ang mahigit isang bilyong dolyar na bagong Official development Assistance (ODA) mula sa nasabing bansa, na kabilang sa kasunduang pang-ekonomiya na nilagdaan niya at ni Pangulong Moon Jae-In nitong nakaraang Lunes.
Kabilang din sa nilagdaan ang pautang ng Export-Import Bank of Korea para sa proyektong New Cebu International Container Port; ang memorandum of understanding (MOU) para sa agham at teknikal na pagtutulungan kasama ang Korean Ministry of Land, Infrastructure, and Transport; MOU para sa pakikipagkalakalan at pagtutulungan sa ekonomiya kasama ang Korea Ministry of Trade, Industry and Energy; at isa pang MOU para sa pagtutulungan sa agrikultura, kabilang ang paggamit ng teknolohiya para sa mekanisasyon at irigasyon kasama ang Korea Ministry of Agriculture, Food and Rural Affairs.
Bukod sa mga kasunduan sa pagitan ng dalawang gobyerno, sinabi rin ni Secretary of Trade and Industry Ramon Lopez na nilagdaan din ng mga Koreano at Pilipinong mga negosyante ang 23 kasunduan na magbibigay ng $4.858 bilyong sa mga pribadong pamumuhunan sa ilang proyekto, na inaasahang lilikha ng 50,000 trabaho. Kabilang dito ang proyektong liquid natural gas (LNG), solar power plant sa Isabela, coal-fired power plant sa Quezon, pagsasaayos ng Port Irene sa Cagayan, electric vehicle manufacture, kabilang ang paglikha ng prototype ng modernong electric jeep at freshwater eel production sa Occidental Mindoro.
Nakipagkita si Pangulong Duterte kay Pangulong Moon Jae-In matapos ang makasaysayang pakikipagpulong nito kay North Korean leader Kim Jong-Un at isang linggo bago ang nakatakdang pagpupulong sa pagitan nina United State President Donald trump at Kim ng North Korea sa Hunyo 12.
Kaya naman, bukod sa napakalaking benepisyo sa ekonomiya dulot ng kanyang pagbisita, ipinapaalala rin sa atin sa pagpupulong nina Pangulong Duterte at Pangulong Moon ng Korea na malaki rin ang nakataya sa Pilipinas sa nakatakdang pagpupulong sa Hunyo 12 kasama ng iba pang bansa sa bahaging ito ng daigdig, tulad ng China at Japan.
Dahil kapag nasiguro lamang natin ang kapayapaan sa mga susunod pang taon, na walang pangamba ng digmaang nukleyar, saka lamang natin matatamasa ang benepisyo ng mga nilagdaang kasunduang pang-ekonomiya sa naging pagbisita kamakailan ni Pangulong Duterte sa South Korea.