IPINAGDIWANG ng Warriors ang ikatlong kampeonato sa apat na NBA Finals laban sa Cavaliers. AP
IPINAGDIWANG ng Warriors ang ikatlong kampeonato sa apat na NBA Finals laban sa Cavaliers. AP

CLEVELAND (AP) — Nanatiling gintong kumikinang ang Golden State. At ligtas nang sabihin na isa nang ‘dynasty’ ang paghahari ng Warriors sa NBA.

Hataw si Stephen Curry sa naiskor na game-high 37 puntos, habang tumipa si NBA Finals MVP Kevin Durant ng triple-double, para sandigan ang Warriors sa dominanteng 108-85 panalo nitong Biyernes (Sabado sa Manila) at kumpletuhin ang ‘sweep’ sa best-of-seven championship.

Nakopo ng Warriors ang unang back-to-back championship at ikatlo sa nakalipas na apat na championship laban sa tinaguriang ‘The King’ LeBron James at Cleveland Cavaliers.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“This is so hard to do and doing it three out of four years is incredible,” pahayag ni Klay Thompson.

Ang tagumpay ng Warriors ang unang ‘sweep’ sa NBA Finals mula noong 2007 kung saan kinaldag ng San Antonio Spurs ang Cavaliers, na pinangunahan nang noo’y papasikat pa lamang na si James.

At sa kanyang career eight straight finals appearance, natikman muli ni James ang mawalis, sapat upang mabuo ang espekulasyon na muling lilisanin ng fou-time MVP ang Cleveland.

Tumapos si James, kumana ng Finals career-high 51 puntos sa Game 1, ng 23 puntos at hindi na naglaro sa huling apat na minute nang laro.

Naging kontrobersyal ang Game ng Episode 4 ng Warriors at Cavs. Ngunit, sa pagusad ng serye, pawang Warriors show ang natunghayan ng basketball fans.

“Can’t get enough of this feeling so we’re going to celebrate it together,” sambit ni Curry, gumawa ng NBA finals record na siyam na three-pointer sa Game 2.

Hindi binigyan ng Warriors ng pagkakataon ang Cavs at ang mga tagahanga nito, sa kabila ng katotohanan na wala pang nakabalik mula sa 0-3 pagkakabaon nang ilatag ang siyam na puntos na bentahe sa halftime nang isalpak ni Curry ang three-pointer.

Tulad nang inaasahan, mas sumisingasing na Warriors ang lumantad sa third period at hilahin ang bentahe sa double digits sa pamamagitan ng 25-13 scoring run.

Sa fourth period, wala nang duda ang tagumpay ng Golden States at ang inaantabayan na lamang ay kung sino kina Curry at Durant ang tatanghaling Finals MVP.

At sa ikalawang sunod na season, nakuha ni Durant, humugot din ng 12 rebounds at 10 assists, ang parangal.

Sa kasaysayan ng NBA, tanging ang Boston Celtics sa kapanahunan ni Bill Russell, ang “Showtime” Lakers, Los Angeles squad nina Kobe at Shaq, at ang Chicago Bulls ni Michael Jordan ang nagpamalas ng dominasyon sa nakalipas na era.

Panahon ngayon ng ‘Dub Dynasty’.

Para kay James, inaasahang gagamitin nito ang US$35.6 milyon contract para maging free agent sa susunod na season.