AYAW nang patulan pa ni Kris Aquino si Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson, dahil napagtanto niyang hindi sila magka-level.

Natatandaan din daw ni Kris ang payo sa kanya noon ni ‘Nay Cristy Fermin na huwag makipag-away sa maliliit (na tao), kundi sa isang higante lang.

Panauhin ni ‘Nay Cristy sa Cristy Ferminute sa Radyo Singko nitong Miyerkules si Kris, at binanggit ng huli: “You taught me this. Sinabi mo, ‘Anak kung makikipaglaban ka, ang labanan mo dapat mas malaki pa sa ‘yo. Hindi ka lalaban sa mas maliit pa sa ‘yo. Kasi kung ikaw ang masama, ikaw ang talo. Kung makikipaglaban ka lang, sa higante na.”

Kaya nagpasya na si Kris.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

“I don’t wanna give her anymore of my fame. Sorry, ha? Mayabang ako,” pag-amin ni Kris.

“Friends na kami ni PRRD (President Rodrigo Roa Duterte). Okey na. So with her, I don’t care.”

Ang mahalaga raw kay Kris ay mismong si President Duterte na ang humingi ng dispensa sa nangyaring word war sa pagitan nila ni Mocha.

Ibinahagi rin ni Kris ang palitan nila ng text messages ng kanang kamay ni President Duterte na si Christopher Lawrence “Bong” Go nitong Miyerkules.

Ipinarating kasi ni Kris ang opinyon niya sa aniya’y kawalang-respeto ni Mocha kina President Duterte at Go nang suwayin nito ang suhestiyon ng dalawa na mag-sorry ang blogger sa TV host-actress.

Sagot daw ni Go kay Kris: “Ma’am, hindi namin kontrolado si Mocha. Nag-sorry na kami ni PRRD. Mas important po ‘yun, Ma’am. Salamat po.”

“She can say anything and everything. I’m not even gonna bring up the fact na I read, ‘Sige na, magtuos na kayo at magkita na kayo para suot mo ‘yung Gucci leather jacket mo, habang ‘yung kanya fake’,” sabi pa ni Kris. “Deadma na. Move on.”

Samantala, ikinuwento rin ni Kris na “napagalitan” siya ng kanyang mga kapatid sa pagpatol niya kay Mocha sa social media.

“Sabi ng ate ko, ‘My gosh, please stop!”

Pero hindi raw nakapagpigil si Kris dahil sa pambabalahura ni Mocha sa mga yumaong magulang nilang sina President Corazon Aquino at Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

“I know in this life, when this is your last name, you have to be ready for all the blows. But there are blows that are below-the-belt. Alam mong sinisikmuraan ka na. And kung hindi ka papalag, uulit-ulitin nila.”

Gayunman, kapansin-pansing naging maingat si Kris na hindi magbigay ng opinyon sa kontrobersiyal na paghalik ni President Duterte sa isang may-asawang Pinay sa isang official engagement ng Pangulo sa South Korea kamakailan.

Ayon kay Kris, ang ikinagalit niya ay ang konteksto ng pagkukumpara ni Mocha sa inasta ni President Duterte at sa kusang paghalik ng dalawang babae kay Senator Aquino ilang minuto bago ito bumaba ng lulang eroplano at paslangin sa Manila International Airport.

“Hindi talaga ako nakisawsaw sa lahat ng bumatikos sa presidente because of that kiss because that’s none of my business. I think if there is anybody who has a right to complain about that kiss, that is Ms. Honeylet,” ani Kris, tinukoy ang long-time partner ng Pangulo na si Honeylet Avanceña.

“Babae ako, she has stood with him, she has stood by him, she loves him, and she takes care of him, and they have a daughter. Everybody else, personal nila ‘yun. Siya ang may karapatang magalit. Tayong lahat, it happened and that’s life, we move on from that.

“But it was the choice of the video.”

Nanindigan si Kris na hindi siya makakapayag na ganun na lang lapastanganin ni Mocha ang alaala ng kanyang mga magulang.

“Yung sinasabi nila na, ‘Tigilan yang kaartehan mo, ilang beses mo na ‘yan napanood.’ Try n’yo. Try n’yo tingnan na duguan ang tatay n’yo. Try n’yo na nasa tarmac. Try n’yo na ‘yung sundalong bumuhat sa kanya, binuhat siya na para lang siyang baboy. Subukan niyo and tell me that to my face.

Doon ako nagalit. At siguro may karapatan akong magalit dahil dun,” pagtatapos ni Kris.

-Ador V. Saluta