SA kasaysayan ng buhay ng Panginoong Hesukristo at ng pagtubos Niya sa sala ng sangkatauhan, isa sa hindi malilimot na pangyayari ay ang ginawa ng isa niyang alagad. Ang pagkakanulo at pagtataksil sa kanya ni Hudas. Ang pagkakanulo ay inihudyat ng isang halik ni Hudas sa Panginooong Hesukristo. Dinakip, pinahirapan at ipinako sa krus hanggang sa mamatay si Jesus Christ. Mula noon, ang halik ni Hudas ay naging simbolo na ng kataksilan. Ang halik-Hudas, kahit anong tamis at may tunog ay iniwasan sa pangamba at takot na baka isang pagkukunwari at pagtataksil.
Sa ating panahon, ang hindi malimot na pangyayari nang magtungo ang Pagulong Duterte sa South Korea ay ang paghalik ng lips to lips sa isang Pilipina na may asawang Koreano.A ng larawan at video ng paghalik ng Pangulong Duterte ay nag-viral o kumalat sa social media.Hiniling ng Pangulo ang halik sa babaeng Pilipina bilang kapalit ng aklat na kanyang ibinigay. Sinabi ng Pangulong Duterte sa nagbubunying mga Pilipino: “Don’t take it seriously. It’s just for fun, a gimmick”. Ayon naman kay Bea Kim (pangalan ng babaeng hinalikan ng Pangulo), walang malisya ang ginawang paghalik sa kanya ng Pangulong Duterte. Ang paghalik ay walang anumang kahulugan.
Sa kabila ng nasabing mga paliwanag, nagbunga ng iba’t ibang reaksiyon at pagpuna ang paghalik ng Pangulong Duterte lalo na sa grupo ng mga kababaihan. May nagsabing hindi mapanganib na halik ang ginawa ng Pangulong Duterte na ang tanging layunin ay para magkatuwaan.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, kahit ang halik ay pinayagan ni Bea Kim, may malaking power disparity sa pagitan ni Bea Kim at ng Pangulo. Ang ginawa ng Pangulong Duterte ay isang malaking pang-aabuso sa kanyang kapangyarihan. Sa pahayag naman ng isang debotong katoliko na palasimba, maganda ang intensiyon ng Pangulong Duterte ngunit dapat sana ay naging maayos ang ginawa ng Pangulo. Sa halip na lips to lips ay sa pisngi na lamang hinalikan ng Pangulo ang babae.
Marami naman sa ating mga kababayan ang nagkakaisa ng pagsasabing bilang isang Pangulo at isa na ring lolo, ang ginawa na lamang sana ni Pangulong Duterte ay sa pisngi o sa noo niya hinalikan ang babae. O kaya, parang walang masabi ang ating mga kababayan, sana, pinagmano na lamang niya at binendisyunan ang babae. Nabigyang-halaga pa ang isang magandang kaugaliang Pilipino. May pabiro naman na nagsabi na kung napanood kaya ng ng babae ang paghalik sa kanyang mommy ng ating Pangulo, sasabihin nito na: “I saw my mommy kissing an old man”.
Pagtatanggol naman ng tambolero ng Malacañang, sinabi nito na ang halik ay isang tanda ng pagmamahal para sa mga Pilipinong nagtatrabaho na malayo sa kanilang mga tahanan.
Nagtanggol din sa Pangulong Duterte ang Assistant Communication Secretary Mocha Uson. Nag-post siya sa Face book. Inihambing ang paghalik ng Pagulong Duterte sa paghalik ng isang babaeng tagahanga ni Senador Benigno Aquino sa loob ng isang eroplano bago siya pinaslang noong Agosto 21,1983 sa Tarmac ng NIA (National International Airport). Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ngayon.
Ang ginawa ni Mocha Uson ay ikinagalit ni Kris Aquino. Sa bahagi ng pahayag ni Kris Aquino, sinabi niya na: “Nung mapanood ko ‘yong inupload mo para depensahan si Presidente Duterte (na minsan hindi ko pinakitaan ng hindi maganda), alam mo ba kung ano ang ginawa mo? Sinariwa mo ang sugat sa puso ng isang batang 12 years old nung pinaslang ng walang kalaban-laban ang kanyang ama”.
Ayon pa kay Kris Aquino, “kaya ngayon, hihiramin ko ang salita niya: TAMA NA, SOBRA NA. Kung may gusto kang punching bag, please ako na lang. Kasi buhay ako, kaya kitang sagutin. At hindi kita uurungan”.
Sa halip na humingi ng paumanhin sa kanyang ginawa, tinabla ni Mocha Uson si Kris Aquino. Ang humingi ng paumanhin kay Kris Aquino ay si Presidential Assistant Bong Go. Kasama na ang Pangulo sa paghingi ng paumanhin.
Maraming uri at kahulugan ang halik. Sinabi ni Pangulong Duterte sa mga reporter nang bumalik na siya sa Pilipinas mula sa South Korea, ang kanyang halik ay “pure showbiz’. Ang layunin ay maaliw ang mga Pilipino expatriates o mga nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang kanyang halik ay kanyang style tulad noong panahon ng kanyang kampanya sa pagka-mayor ng Davao City.
May nagsasabi naman na masama na ang halik kung ito’y may kasama nang pagnanasa. Madedemanda at kakasuhan ka ng “Unjust Vexation”. Kung ang halik ay may kasamang panghihipo, kakasuhan ka ng “Acts of Lasciviousness”. Mamamahay sa kulungan at maghihimas ng rehas ang suspek kung walang perang pampiyansa.
-Clemen Bautista