WASHINGTON (AFP) – Inihayag ng US State Department nitong Miyerkules na inilipad ito pabalik sa Amerika ang ilang government employees sa China na nasuring may mga sintomas ng misteryosong sakit para sa karagdagang assessment matapos ang initial screenings.

Sinabi ni Department spokeswoman Heather Nauert na isang medical team ang ipinadala sa Guangzhou, China, matapos ilang American employee ang nagkasakit noong nakaraang buwan. Binuhay nito ang pangamba na nagdebelop ang mga karibal ng US ng isang uri ng invisible acoustic o microwave device.

‘’The safety and security of US personnel and their families is our top priority,’’ saad sa pahayag ni Nauert.

‘’As a result of the screening process so far, the Department has sent a number of individuals for further evaluation and a comprehensive assessment of their symptoms and findings in the United States,’’ dagdag niya, kinumpirma na sinisikap ng mga doktor na alamin kung ang mga sintomas ay katulad ng mga iniulat sa Cuba.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Noong nakaraang taon, 24 US diplomats at kanilang mga pamilya sa Cuba ang nabiktima ng misteryosong ‘’attacks’’ na nag-iwan ng mga pinasala na katulad ng brain trauma. Sampung Canadian diplomats at kanilang mga kamag-anak ang dumanas din ng parehong hindi maipaliwanag na sakit.

Bumuo na ang US ng task force para pamahalaan ang pagtugon sa mga misteryosong karamdaman sa kanilang diplomats sa dalawang bansa, sinabi ni Secretary of State Mike Pompeo nitong Martes.

Hindi binanggit sa pahayag ng State Department kahapon ang posibilidad na sinadya ang pag-atake sa China.

Gayunman, binalaan nito ang US diplomats na kaagad alertuhin ang medical staff ng kanilang mission ‘’if they note new onset of symptoms that may have begun in association with experiencing unidentified auditory sensations.’’

‘’Reported symptoms have included dizziness, headaches, tinnitus, fatigue, cognitive issues, visual problems, ear complaints and hearing loss, and difficulty sleeping,’’ saad sa pahayag.