Nagulat kahapon ang mga pulis ng Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela (CAMANAVA area) at Marikina City sa sorpresang drug test.
Ayon kay Northern Police District (NPD) director, Chief Supt. Amando Clifton Bantas Empiso, nagpatawag muna siya ng isang command conference na dinaluhan ng lahat ng opisyal at tauhan CAMANAWA police force.
Sa loob ng conference room, biglang isinara ni Empiso ang pinto.
Lalong nagulat ang mga opisyal at pulis nang magpasukan na ang mga mamamahayag kasabay ng pagdedeklara ni Empiso na magkakaroon sila ng random drug testing.
Aniya, hindi maaaring tumanggi ang sinumang pulis sa drug test dahil hihingan niya ang mga ito ng dahilan.
Siniguro rin ni Empiso na sisibakin niya sa puwesto ang sinumang pulis na magiging positibo sa drug test, kahit pa ito ay isang opisyal.
“Kaisa po ng PNP ang NPD sa internal cleansing para maging kanais-nais ang serbisyo ng ating mga pulis,” sabi pa nito.
Ganito rin ang sinapit kahapon ng Marikina City Police Office, alinsunod na rin sa kautusan ng Eastern Police District (EPD) headquarters.
Kabilang sa ipina-drug test ang mga tauhan ng Women’s and Children Protection Desk at Warrant Section and Investigation ng Marikina police station.
Sa pahayag ng EPD, layunin nito na malinis sa ilegal na droga ang hanay ng Marikina City police.
-Orly Barcala at Fer Taboy