Nagkakaisa ang gobyerno at mamamayan ng Slovakia sa pagkondena sa pagkamatay ng overseas Filipino worker na si Henry John Acorda na binugbog sa isang kalye sa kabiserang Bratislava nang ipagtanggol niya ang kasamahang babae sa pambabastos ng isang lokal noong Mayo 26.

Nagpahayag si Slovakian Interior Minister Denisa Sakova ng pag-asa na mapapanagot at mapaparusahan ang suspek na si Hiraj Hossu, 28.

Namatay si Acorda, nagtatrabho bilang financial analyst sa isang multinational company sa Bratislava, noong Mayo 31 dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo sa insidente.

Kinondena ng mga lokal na opisyal sa pangunguna nina Bratislava Mayor Ivo Nesrovnal at Old Town Mayor Radoslav Stevcik ang pag-atake sa OFW, at humiling na palakasin ang pagpapatrulya ng mga pulis sa sentro ng Bratislava.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nag-organisa naman ang mamamayan ng Bratislava ng ‘Justice for Henry’ gathering sa SNP square nitong Miyerkules para gunitain ang pagkamatay ni Acorda.

Iniulat ng mga awtoridad sa Slovak capital na itinulak ng suspek sa lupa ang 36-anyos na si Acorda at hindi tinigilan ng pagsipa kahit na nawalan na ng malay ang biktima.

Ikinalugod naman ng gobyerno ng Pilipinas ang pangako ng Slovakian government sa pamumuno ni Prime Minister Peter Pellegrini na matatam ang hustisya sa pagkamatay ni Acorda.

“These are very bad signals for our society. Justice must be immediately delivered,” sinabi ni Prime Minister Pellegrini sa local media sa Bratislava.

Nagtungo si Ambassador Ma. Cleofe Natividad sa Bratislava nitong Miyerkules para personal na makausap ang ina at dalawang kapatid ni Acorda na lumipad sa Slovakian capital sa tulong ng employer ng biktima.

Tiniyak ni Natividad sa pamilya na ibibigay ng Embassy ang lahat ng posibleng tulong sa kanila, kabilang na ang repatriation ng mga labi ni Acorda at pagkuha ng mga abogado na magsusulong ng kaso laban sa salarin.

-Roy C. Mabasa