TARGET ni Pinoy boxer Orlie Silvestre ang unang regional title bout sa pagkasa kay one-time world title challenger at WBA No. 5 ranked Reiya Konishi para sa bakanteng WBO Asia Pacific light flyweight title sa Hulyo 13 sa Central Gym, Kobe, Japan.
Magandang pagkakataon ito sa tubong Sultan Kudarat at 24-anyos na si Silvestre na papasok sa WBO ranking kung magwawagi kay Konishi na minsang lumaban para sa bakanteng WBA light flyweight title pero napuntusan ni Carlos Canizales ng Venezuela nitong Marso 18 sa Portopia Hotel, Kobe, Japan.
Magsisilbing undercard ang laban nina Silvestre at Konishi sa paghamon ni Filipino boxer Vic Saludar kay WBO minimumweight champion Ryuka Yamanaka na isa ring Hapones.
May rekord si Silvestre na 11-3-1 na may 7 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Konishi na may kartadang 15 panalo, 1 talo na may 5 pagwawagi sa knockouts.
-Gilbert Espeña