Ipinaliwanag ng Malacañang na ang “radical changes” na tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na mangyayari ay bunsod ng serye ng mga krimen sa bansa kamakailan, kabilang na ang pagpatay sa isang buntis na prosecutor nitong linggo.

Naglabas ng pahayag si Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng babala ng Pangulo sa mga kriminal na magkakaroon ng mga pagbabago sa peace and order, dahil sa napakaraming nagyayaring krimen sa bansa nitong mga nakaraang araw.

Sa press briefing kahapon, sinabi ni Roque na maging siya ay hindi nakatitiyak kung ano ang mga pagbabagong ito, ngunit makaaasa ang publiko na paiigtingin ng gobyerno ang kampanya nito laban sa kriminalidad at ilegal na droga.

“So ‘yung kanyang sinabi po na abangan ang mga reporma, ‘yan po ay dahil gusto pa niyang paigtingin ang giyera laban sa kriminalidad at ipinagbabawal na droga,” ani Roque.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Siguro po, kaya nga na-frustrate ang Presidente, dalawang prosecutor po ang napatay, Isa po buntis pa. At may mga bali-balita po ng increase ng mga holdapan sa Metro Manila,” dagdag niya.

Ayon sa opisyal ng Palasyo, hinihintay din ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang mga kautusan mula sa Pangulo kung paano ipatutupad ang “radical changes.”

“But I have been in contact with General Albayalde of the PNP this morning and ‘yun nga po (like I said), we are gearing up, we are doing better in the fight against criminality,” ani Roque.

Sa kanyang talumpati nitong Miyerkules ng umaga, nagbabala si Duterte sa mga kriminal at mga tiwaling opisyal na magpakatino kasabay ng pangako na “there will be changes in the coming days including public order and security. There are simply too many crimes.”

Tiniyak ni Roque na hindi pinag-uusapan sa Executive Branch na palawakin ang sakop ng martial law na ipinatutupad sa Mindanao at gawin na itong nationwide.

“Ay hindi po. Martial law po is Mindanao,” aniya.

Gayunman, itinaas ni Roque ang posibilidad na isailalim ang buong Pilipinas sa martial law kung kinakailangan.

“If there are legal and factual basis, that’s in the Constitution. Pero doon sa konteksto po ng speech po niya, ang binanggit niya ay state of national emergency,” ani Roque.

Nang tanungin kung ano ang ibig sabihin ng Pangulo sa “meager” emergency power, sinabi ni Roque na maaaring ang tinutukoy ni Duterte ay ang state of national emergency.

“As far as the powers of the President are concerned, the least intrusive is the state of national emergency. That could be what he meant by meager in terms of exercise of extraordinary powers,” ani Roque.

Ipinaliwanag din ni Roque ang kahulugan ng sinabi ni Duterte na walang pagkakaiba ang deklarasyon ng state of national emergency, at deklarasyon ng martial law.

“Perhaps he was referring to the fact that these are both powers of the President as commander-in-chief and that they both entail the military taking on active role in what is purely civilian,” aniya.

“The calling out power is when you call out the Armed Forces of the Philippines and not just rely on civilian institutions such as the Philippine National Police,” dugtong niya.

Hindi naman nakatitiyak si Roque kung aling mga opisina ang ikinokonsidera na isailalim sa Office of the President (OP).

Sinabi Duterte nitong Miyerkules na pinag-iisipan niyang ilagay ang mga pasaway na ahensiya sa ilalim ng OP para personal niya itong mapamahalaan.

“Ako na mismo ang kaharap mo araw-araw,” anang Pangulo.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS