ANG magandang balita ay magsisimula nang bumaba ang pandaigdigang presyo ng petrolyo sa paghahayag ng Russia at ng mga miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na nakatakda nilang talakayin ang planong dagdag na produksiyon sa langis.
Nagsimulang sumirit ang pandaigdigang presyo matapos ibasura ng Amerika ang kasunduan noong 2015 sa pagitan ng Western powers at Iran, na nagdulot ng pangamba na mapilitan ang Iran na bawasan ang ipinapadalang langis. Ang Iran ang pangalawa sa pinakamalaking oil exporter sa mundo kasunod ng Saudi Arabia, nagsimulang tumaas ang presyo pagsapit ng Enero. Nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng taas-presyo sa gasoline, diesel, at kerosene. At kapag tumaas ang presyo ng langis, magmamahal din ang bilihin. Ito ang nangyari sa Pilipinas sa nakalipas na linggo.
Ang naging aksiyon ng pamahalaan dito ay muling pag-aralan ang Tax Reform and Acceleration Inclusion (TRAIN) law na malaki ang papel sa mataas na presyo ng bilihin dahil nagpatupad ito ng excise tax sa diesel. Kung ang pandaigdigang presyo ng petrolyo ay pumalo sa $80 kada bariles, kinakailangan ipatigil ng pamahalaan ang TRAIN excise tax sa diesel. Ngunit dahil sa magandang balita na magsisimula nang bumaba ang pandaigdigang presyo ng langis, hindi na ito mangyayari.
Pinag-aaralan din ng gobyerno ang panukalang TRAIN 2 na ang tax incentives na tinatamasa ng dayuhang mamumuhunan na umaasenso sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay hindi panghabambuhay; kinakailangan matapos sa nakatakdang panahon. Nangangamba ang ilan na kapag binawi ang naturang incentive, maaaring umalis sa bansa ang mga dayuhang namumuhunan.
Nakatutuwang isipin na muling pinag-aaralan ng pamahalaan ang TRAIN at ang panukalang TRAIN 2, baka ang mga tax measures ay maging sanhi ng ‘di inaasahang paghihirap ng mga ordinaryong mamamayan. Maaaring hindi ang TRAIN ang pangunahing dahilan ng tumataas na presyo ng bilihin ngunit mayroon itong malaking epekto rito.
Nananatiling walang katiyakan ang kalagayan ng presyo ng langis sa nakatakdang pag-uusap ng Russia at iba pang miyembro ng OPEC at magsimulang dagdagan ang supply sa langis sa mundo na magiging sanhi ng pagbaba ng presyo ng petrolyo. Dapat gampanan ng mga lokal na opisyal ang kanilang tungkulin na antabayanan ang presyo ng langis, handang magkaloob ng remedyo, kabilang na ang pagsuspinde sa TRAIN, upang mapigilan ang mataas na presyo ng bilihin.